Ikinatuwa ng Philippine Consulate General sa New York ang mabilis na pagkakaaresto sa lalaking umatake at sumipa sa ulo ang 65-anyos na Pinay sa Midtown Manhattan.
“We thank the New York Police Department, and all those who in one way or another, contributed to the efforts that led to the arrest of Brandon Elliot,” ayon sa inilabas na pahayag ng konsulado.
Nanawagan din ang konsulado sa Pinoy community na manatiling mapagmatyag sa harap ng nangyayaring hate crimes laban sa mga Asyano sa Amerika.
Sa ulat ng New York Times, kinilala ang biktima na si Vilma Kari, na nakita sa CCTV na basta na lamang sinipa sa sikmura ng salaring si Elliot, 38-anyos, nang makasalubong niya ito sa Times Square.
Nang matumba si Kari, ilang beses pa siyang sinipa ni Elliot sa ulo.
Nadinig umano si Elliot na sumisigaw na, “You don’t belong here” habang sinasaktan si Kari.
Ayon pa sa ulat, sinabi ng pulisya na dating nakulong si Elliot dahil sa pagsaksak at pagpatay sa sariling ina noong 2002.
Nakalaya siya noong 2019 sa bisa ng parole.
Samantala, sinuspindi naman ng pamunuan ng isang gusali ang dalawa nilang tauhan na walang ginawa para tulungan ang biktima.
Makikita sa video mula sa loob ng naturang gusali na isinara pa ng tauhan ang pinto ng gusali.
Labis umanong nadismaya ang pamunuan ng gusali sa inasal ng kanilang mga tauhan kaya inalis ang mga ito sa puwesto at isasailalim sa imbestigasyon.
Ilan pang suspek sa iba't ibang insidente ng pag-atake sa mga Asyano sa Amerika ang pinaghahanap at makikita ang kanilang mga larawan sa Twitter account ng Asian Hate Crimes Task Force ng NYPD.
Need MORE info re: Sat, 3/27/21, approx. 8:00 PM, 'J' Train at Kosciuszko Station, the perpetrator ?? assaulted a male victim. Call 1-800-577-8477. Reward up to????2,500 payable by Crime Stoppers upon arrest and indictment of the person(s) responsible for the above listed crime. pic.twitter.com/fLz6ThHgxy
— NYPD Hate Crimes (@NYPDHateCrimes) March 30, 2021
—FRJ, GMA News