Pinaniniwalang hate crime din ang nangyaring pamamaril sa isang 19-anyos na babaeng Filipina-American sa California, USA. Ang biktima, nabulag ang isang mata matapos tamaan ng bala.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, lumabas sa imbestigasyon na nasa intersection sa San Francisco ang biktimang si Jessica Dimalanta noong Marso 21 nang paputukan siya ng mga nakatakas na salarin.
Tinamaan ng bala ang isang mata ng biktima na dahilan para mabulag ito.
Nagpapagaling na ang biktima na napag-alaman na nagpositibo rin sa COVID-19.
Tumangging magbigay ng panayam ang pamilya ni Dimalanta.
Kamakailan lang, isang 65-anyos na Pinay ang inatake at pinagsisipa sa mukha ng isang lalaki sa Times Square sa Manhattan, New York City.
Nadakip na ang salarin. (Basahin: Umatake sa Pinay sa Times Square, nahuli na; umatake sa Asian man sa NY subway, hinahanap pa rin)
Ilan lang ito sa mga insidente ng hate crime sa Amerika laban sa mga Asyano na kabilang sa mga nagiging biktima ay mga Filipino.
Nitong Miyerkules, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., na maaaring "maimpluwensiyahan" ng anti-Asian hate crimes ang foreign policy ng Pilipinas sa Amerika.
"This is gravely noted and will influence Philippine foreign policy. I might as well say it, so no one on the other side can say, 'We didn’t know you took racial brutality against Filipinos at all seriously.' We do," ayon sa Twitter post ni Locsin.--Jamil Santos/FRJ, GMA News