Itinuturing pangalawang buhay ng 72-anyos na Filipina sa New York ang paggaling niya sa blood disorder na tinamo matapos siyang mabigyan ng COVID-19 vaccine noong Enero.

"Pangalawang buhay ko na nga raw ito dahil hindi rin nila sukat akalain na malalampasan ko ito," sabi ni Luz Legaspi sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News' Unang Balita nitong Lunes.

"Talagang ginawa nilang lahat ang dapat nilang gawin. Nagtulong-tulong sila. Pati nga doktor sa labas," dagdag niya.

Pitong taon nang naninirahan si Legaspi sa New York kasama ang kaniyang pamilya. Nitong Enero 18, nabigyan siya ng unang dose ng Moderna COVID-19 vaccine.

"Naghanap ang anak ko kung saan dahil ang gusto ko talaga, mabakunahan. Kasi ang katuwiran ko, mas mahirap ang ma-COVID," saad niya.

Wala raw masamang naramdaman si Legaspi na side effect nang maturukan. Pero kinabukasan, nagkaroon siya ng mga pasa sa braso at nagdugo ang kaniyang bibig.

"Paggising ko ng umaga, nang magsepilyo ako, pagmumog ko, puro dugo ang bibig ko. Ang akala ko lang, nabangga lang ng sepilyo 'yung aking gilagid o 'yung ano ng bibig ko. Hindi ko inaasahan na talaga palang nadudugo 'yung bibig ko," kuwento niya.

"Nang ngumanga ako, palibot na 'yung aking bibig ng mga namuong dugo. Pati dila ko, meron nang buong dugo sa dila ko. At hindi na tumigil 'yung pagdudugo ng bibig ko. Pati ilong ko, nagdudugo na," patuloy ni Legaspi.

Nagkaroon na rin ng mga pantal si Legaspi sa katawan.

Dalawang linggong naratay sa Elmhurst Hospital si Legaspi at nang bumuti na ang kalagayan ay pinauwi na.

"Siguro nga, sa pananalig ko sa Diyos na hindi ako pababayaan, kasama ko Siya saan man ako makarating, ganoon. Ganoon ang ano ko sa sarili ko eh," ani Legaspi.

Dahil sa nangyari, hindi na bibigyan ng ikalawang dose ng bakuna si Legaspi.

Ayon sa isang ulat ng New York Times (NYT), nagkaroon ng immune thrombocytopenia si Legaspi kung saan bumaba ang kaniyang platelet count at nawalan ng abilidad ang platelets na tumulong sa blood clotting.

Ang naturang kondisyon, maaaring mauwi sa internal bleeding.

Hindi nagbigay ng pahayag ang Moderna sa nangyari pero sinusubaybayan daw nila ang mga lumalabas na ulat tungkol sa sinasabing epekto ng kanila bakuna.--FRJ, GMA News