Inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nasa 50,000 hanggang 60,000 overseas Filipino workers (OFWs) na ang nabigyan ng COVID-19 vaccines sa mga bansang kinaroroonan nila.
Ayon kay Bello, ang naturang bilang ay mula sa ulat ng mga OFW na nagpasyang huwag nang bumalik sa Pilipinas matapos makatanggap ng bakuna kontra sa COVID-19.
“Hindi na sila magpapa-repatriate dahil nabakunahan na sila. So there were about more or less 50,000 to 60,000 of our countrymen na nabakunahan na,” sabi ni Bello sa Laging Handa briefing nitong Huwebes.
Sa datos ng Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules, sinabing mayroon 13,897 Filipino sa abroad ang tinamaan ng virus at 945 sa kanila ang nasawi.
Una rito, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration Hans Leo Cacdac na nasa 80,000 OFWs pa ang posibleng dumating sa Pilipinas sa unang bahagi ng 2021 dahil sa nararanasang pandemic. — FRJ, GMA News