Inihayag ng isang grupo na nagsusulong sa kapakanan ng mga OFW na mayroong mga Pinoy na kasabwat sa modus ng pagpapadala ng mga Pinay na nagiging kasambahay sa Syria na nagiging biktima ng pagmamalupit at panghahalay ng kani-kanilang mga amo.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing mahigit 12 Pinay na naging biktima ng human trafficking ang nasa pangangalaga ngayon ng embahada ng Pilipinas sa Damascus sa Syria.
Gumagawa na ng hakbang ang Department of Foreign Affairs para maiuwi sila sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Sa nakuhang impormasyon ng DFA, lumilitaw na ni-recruit ang mga biktima para magtrabaho sa United Arab Emirates pero pagdating sa Dubai ay kinuha sila at dinala sa Syria.
Parang kasangkapan umano ang mga Pinay na ipinagbibili sa mga employer, na ang iba ay hindi raw nakatatanggap ng tamang sahod, minamaltrato at ginagahasa pa.
Ang naturang pangyayari sa mga biktima ay lumabas sa pahayagang Washington Post, at isa sa kanila ang nakapagkuwento ng kaniyang naging karanasan.
Taong 2018 pa raw nasa Syria ang Pinay pero kamakailan lang nagkaroon ng pagkakataon na makatakas.
Pinagpapaliwanag na ng DFA ang kanilang mga opisyal sa Syria kung bakit hindi sila nakatanggap ng naturang ulat ng pang-aabuso sa mga OFW.
Ayon kay Susan Ople, ng Blas Ople Policy Center, isang NGO na nagsusulong ng kapakanan ng mga OFW, matagal na umano ang naturang modus at sa Pilipinas daw nagsisimula ang pag-recruit sa mga biktima.
Mga Filipino rin umano ang nasa likod ng naturang recruitment.
Paliwanag ni Ople, may mga ahente sa Pilipinas ang agency na pag-aari ng Syrian, na nag-iikot sa mga lalawigan para maghanap ng mga gustong magtrabaho sa ibang bansa pero hindi sasabihin na sa Syria ang bagsak nila.
Katulad ng mga dumating sa UAE na inakalang magtatrabaho sa Dubai, mayroon umanong mga kasabwat na broker ang Syrian agency upang sunduin doon at dalhin sa Syria ang mga OFW para ibenta sa mga Syrian na amo.
Ginagawa raw ng mga Pinoy na ibenta ang sarili nilang kababayan kahit na mapahamak dahil sa komisyon na kanilang matatanggap.
Ayon pa kay Ople, nasa $9,000 ang average na ibinabayad ng mga Syrian na nais na magkaroon ng kasambahay na Pinay.
Nangangamba si Ople na baka lalo pang dumami ang mga mabibiktimang Pinay sa naturang modus sa Syria kapag niluwagan na ang pagbiyahe at pinayagan na muli ang malayang pag-alis ng mga OFW.
Payo naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa, tiyakin kung nakarehistro at lehitimo ang ahensiya na pag-aaplayan nila ng trabaho.--FRJ, GMA News