Nagsasagawa ng administrative investigation ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa ilan nilang tauhan sa Syria kaugnay sa ulat na may sangkot sa trafficking at mistreatment ng ilang overseas Filipino worker.
Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ng DFA na nagpadala rin sila ng human rights lawyer sa Syria para magsagawa rin ng imbestigasyon tungkol sa lumabas na ulat ng Washington Post na, "Sold Into Syrian Servitude, Filipina Workers Tell of Abuse, Rape and Imprisonment.”
“Oh hell. I will wring the necks of those in the Philippine embassy in Damascus who failed to report this. My President will expect no less from me. Hell is coming,” sabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa Twitter post.
Mayroon din mga taong kakausapin si Locsin upang malaman ang katotohanan tungkol sa nasabing alegasyon.
Sa artikulo ng Washington Post, sinabing ilang Filipina ang ni-recruit para magtrabaho sa United Arab Emirates, pero kinalaunan ay dinala sila sa Syria.
Ilan umano sa mga biktimang OFW ay inaabuso at minamaltrato ng kanilang mga amo, at hindi pinapasod.
Tinatayang 35 na Filipinas umano ang nasa embahada sa Damascus. Kabilang dito ang isang 15-anyos na babae na mula sa Cotabato City na ni-recuit at dinala sa Middle East kahit 12-anyos pa lang noon.
Tiniyak naman ng DFA na ginagawa nila ang mga hakbang para sa kapakanan at kaligtasan ng mga biktima, at pagkakalooban ng legal na tulong.
“The DFA… has also been negotiating with the wards' employers to secure the former's exit visas. It has also been working to obtain various clearances for the wards required by the Syrian Government,” saad ng DFA.
Nitong Disyembre, tatlo umano ang nakauwi na sa bansa at 12 ang darating ngayong Enero.
“The Philippines will always seek to protect all Filipino migrant workers against all forms of exploitation and abuse… In addition, the Philippines is in Tier 1 of the Global Trafficking in Persons Report of the US State Department and continues to be at the forefront of the fight against trafficking in persons,” ayon sa pahayag. — FRJ, GMA News