Patuloy ang pagdating ang balikbayan boxes sa Pilipinas kahit may COVID-19 pandemic. Pero kumpara noong nakaraang taon, nabawasan daw ang mga padala ngayong taon.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, inihayag ng Door-To-Door Consolidator Association of the Philippines, na maagang nagsimula ang "peak season" ng delivery ng balikbayan boxes ngayong 2020 kumpara noong 2019.
“This year, Mayo pa lang nagsimula na,” ayon kay Joel Longares.
Ayon naman sa Bureau of Customs (BOC), nabawasan ng lima hanggang 10 porsiyento ang dumarating na balikbayan boxes ngayon taon kumpara noong 2019.
Nagpaalala rin ang BOC sa mga Pinoy sa abroad na gamitin lamang ang forwarder na nasa listahan ng Department of Trade and Industry na makikita sa website.
“It’s as simple as having your tracking number, going to the website, putting it there, and then makikita mo na nasaan ‘yung status ng balikbayan box mo,” paalala ni Customs spokesman Atty. Vincent Maronilla para hindi mabiktima ng manloloko ang magpapadala.--FRJ, GMA News