Naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang isang babae sa Tarlac na umano'y nagkukunwaring kayang magpadala ng nurse sa Canada kapalit ng P500,000.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang inarestong suspek sa pamamagitan ng entrapment operation na si Maria Girly Manaloto Quiambao.
Nakuha umano kay Quiambao ang kaniyang mobile phone, marked money, at pekeng ID ng Department of Public Works and Highways.
Ayon sa NBI, nangangako ang suspek ng trabaho para sa mga nurse sa Canada kapalit ng P500,000 na bayad.
“Sinasabi niya na mayroon siyang mga contact sa Canadian Embassy. Wala po siyang permit o hindi po siya awtorisadong mag-recruit ng ating mga kababayan para ipadala sa ibang bansa,” sabi ni NBI Tarlac agent Ronald Abulencia.
Bukod sa reklamong ilegal recruitment, mahaharap din si Quiambao sa reklamong estafa dahil sa pagbebenta umano ng lupa pero itinatakbo naman ang pera.
“Ang kanilang usapan ay ihahanap niya ng bibili at nabanggit nila binenta lamang ‘yong kanilang mga lupa at hindi na ibinigay ‘yong perang bayad,” sabi ni Abulencia.
Tumanggi naman ang suspek na magbigay ng pahayag.
Hinikayat ng mga awtoridad na magtungo sa kanilang tanggapan ang iba pang nabiktima ng suspek.--FRJ, GMA News