Sinabi ng alkalde ng New York City, USA na hindi sila makaliligtas sa COVID-19 pandemic kung wala ang tulong ng Pinoy community, lalo na ang Pinoy health workers doon.
Ginawa ni NYC Mayor Bill de Blasio ang pagkilala sa mga Pinoy community sa lungsod sa pagsisimula ng selebrasyon doon ng Filipino American History Month.
“Today, we celebrate the start of Filipino American History Month. And we're proud to be the home of more than 80,000 Filipino New Yorkers who make this city a richer, stronger place,” anang alkalde.
“And this year, we recognize the incredible work and sacrifice of all of you who served on the frontlines of the COVID-19 pandemic," dagdag pa ni Blasio.
Ayon sa alkalde, ang mga Filipino ang ikalawang pinakamalaking Asian community sa America, at karamihan sa kanila ay naglilingkod bilang mga duktor, nurse, at health worker.
Sinabi pa ni Blasio na malaking bilang din ng immigrant nurses sa Amerika ay mula sa Pilipinas.
“So, it's no exaggeration to say we literally would not have survived the COVID-19 pandemic without all of you, our brothers and sisters,” ani Blasio.
“I ask all New Yorkers to join me in celebrating the culture and contributions of our Filipino community. You keep our city moving forward and you keep us progressing during one of the greatest challenges of our time. Thank you for protecting us,” dagdag pa niya.
Kabilang ang lungsod sa mga lugar sa Amerika na nakapagtala ng mataas na kaso ng COVID-19. —FRJ, GMA News