Isang fact-finding team ang binuo para imbestigahan ang embahador ng Pilipinas sa Brazil na nakita sa video na sinasaktan ang kaniyang kasambahay na Filipina.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng Department of Foreign Affairs na isang senior diplomatic ang mangunguna sa binuong fact-finding team para imbestigahan si Ambassador Marichu Mauro.
Nakita si Mauro sa video na lumabas sa ilang ulat sa Brazil habang sinasaktan ang kaniyang 51-anyos na kasambahay.
"If prima facie evidence is established by the fact-finding team, the case will be heard by a hearing panel constituted by the Board of Foreign Service Administration," ayon sa DFA.
Una rito, pinauwi sa Pilipinas ng DFA si Mauro matapos lumabas ang kontrobersiyal niyang video na makikitang sinabunutan niya at binato ng bagay ang kasambahay.
Napag-alaman na naging embahador ng Pilipinas si Mauro sa Brazil mula pa noong 2018.
Nakabalik na sa Pilipinas ang kasambahay noong October 21 at nakipag-ugnayan na sa kaniya ang DFA para alamin ang kaniyang kalagayan at pagtulong sa gagawing imbestigasyon sa dati niyang among embahador.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag si Mauro.—FRJ, GMA News