Sa harap ng mga ulat na may naniningil ng hanggang P20,000 para sa COVID-19 test sa mga umuuwing OFWs, nilinaw nitong Martes ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na libre itong ibinibigay ng pamahalaan.
Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit," sinabi ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac na may natatanggap din silang impormasyon na may mga private laboratory na nag-aalok ng COVID-19 test sa mga OFW pero may bayad.
“Ito po ay libre. ‘Yung buong proseso na dini-describe ko ay libre,” sabi ni Cacdac.
“Nababalitaan nga po namin na may mga private laboratories daw na nandoon sa NAIA (Ninoy Aquino International Airport),” dagdag niya.
Sinabi ni Cacdac na iniutos na ni Labor Secretary Silvestre Bello III at Transportation Secretary Arthur Tugade, na imbestigahan ang operasyon ng mga private laboratory sa airport.
Una rito, sinabi ni Senador Richard Gordon, chairman din ng Philippine Red Cross, na sinisingil ng hanggang P20,000 ang mga Pinoy na dumarating sa bansa para mapadali ang pagkuha ng resulta sa kanilang COVID-19 test.
Ang PRC ang namamahala sa COVID-19 test ng mga OFW pero itinigil nila ang serbisyo nang lumobo sa P1 bilyon ang utang sa kanila ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ang ahensiyang sumasagod sa COVID-19 test ng mga OFWs.
Habang hindi pa nareresolba ang problema ng PRC at PhilHealth, sinabi ni Cacdac na ang mga medical technology personnel ng Philippine Coast Guard ang patuloy na kukuha sa swab samples ng OFWs na dumarating sa mga paliparan.
Ang mga nakukuhang samples ay ipinadadala naman sa 17 national at local laboratories.
“Tuloy po ang libreng proseso para sa kanila mula swab testing tapos processing ng specimen, hotel quarantine pati transport,” ayon kay Cacdac. —FRJ, GMA News