Inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na mahigit 254,000 overseas Filipino workers (OFWs) na ang naiuwi sa Pilipinas dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa briefing kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules, sinabi ni Lorenzana na nakauwi na sa kani-kanilang lalawigan ang mga nakabalik na OFWs.

Gayunman, mayroon umanong mga Pinoy na nasa Sabah na nais nang bumalik sa Pilipinas ang hindi pa maiuwi sa ngayon.

“Pareho pa rin ang number na gustong umuwi as of September 23 nasa 1,968. Mayroon pang mahigit 3,000 na gustong umuwi, naghihintay pa,” anang kalihim.

May ipinatutupad umanong lockdown sa Sabah dahil sa tumataas na COVID-19 cases doon kaya hindi maisagawa ang repatraition.

Idinagdag ni Lorenzana na hindi pa tumatanggap ang mga lalawigan ng Zamboanga, Jolo at Tawi-Tawi ng mga "LSI" o locally stranded individuals at mga OFW bilang pag-iingat ng mga lokal na opisyal sa virus.

Nitong nakaraang buwan, sinabi ng Department of Labor and Employment na umaabot sa 500,000 ang OFWs na apektado ng COVID-19 pandemic.--FRJ, GMA News