Umabot na sa 800 ang mga Pinoy sa abroad na binawian ng buhay dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), batay sa inilabas na datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules.

Ayon sa DFA, isa ang nadagdag sa mga nasawi, habang anim na Pinoy pa sa abroad ang nadagdag sa listahan ng mga panibagong kaso ng COVID-19 para sa kabuuang bilang na 10,849.

Nasa 6,905 naman ang mga gumaling, na nadagdagan ng dalawa.

Mayroon namang 3,144 pasyente ang patuloy na ginagamot.

“To date, the total number of countries and regions with confirmed cases among Filipinos is now 80, with a new report from an additional country in the Middle East,” ayon sa DFA.

 

 

Sa datos ng DFA, ang Middle East/African region ang may pinakamaraming kaso ng Pinoy sa abroad na tinamaan ng COVID-19 na 7,130.

Ito rin ang may pinakamaraming nasawi (518) at gumaling (4,300).

Sa Americas na may kabuuang kaso na 810 ng mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng COVID-19, nakapagtala ng 178 na nasawi, 466 ang gumaling at 166 ang patuloy na ginagamot.

Nakapagtala naman ang Europe na 95 Pinoy sa abroad na nasawi sa virus, 939 na gumaling, at may kabuuang 1,201 na kaso.

Ang Asia Pacific Region, siyam lang ang naitalang Pinoy sa abroad na pumanaw sa virus, 1,200 ang mga gumaling at 499 ang patuloy na ginagamot.--FRJ, GMA News