Umabot na umano sa mahigit 3,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang tinamaan ng COVID-19 sa Qatar, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Martes.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOLE na batay sa impormasyon mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Qatar, nakapagtala sila ng 3,052 OFWs na nagpositibo sa COVID-19, at 17 nasawi.
Samantala, sinabi ni Labor Attaché Gregorio Abalos, Jr. ng POLO-Oman na 122 OFWs sa kanila ang gumaling sa virus at apat ang nasawi.
Idinagdag niya na 107 OFWs ang nakatanggap ng Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) financial assistance, o ang one-time P10,000 cash aid sa mga OFW na naapektuhan ng pandemic.
Sa Israel, mayroon namang 65 na Filipino ang nahawahan ng COVID-19. Sa naturang bilang, 56 na ang gumaling at isa ang nasawi.
Ayon kay Labor Attaché in Israel Rodolfo Gabasan, dalawang Pinay ang nadagdag sa listahan ng COVID-19 cases sa bansa, at pareho silang naka-quarantine sa Prima Park Hotel sa Jerusalem.
Umabot naman umano sa 336 OFWs ang nakatanggap ng AKAP financial assistance hanggang nitong September 27.
Inihayag naman ng POLO-Spain, na nasa 100 Pinoy doon ang minonitor dahil sa COVID-19, at 85 sa kanila ang gumaling na, habang may iniulat na anim na nasawi.
Sa France naman, walong OFW ang nakabangon sa virus, pero may anim naman na pumanaw.
Walong Pinoy din sa Germany ang gumaling sa COVID-19, at pito naman sa Belgium.
Sa Taiwan, nakapagtala ang POLO ng 11 COVID-19 cases sa mga OFWs.— FRJ, GMA News