Noong June 28 nang unang humingi ng tulong sa pamamagitan ng social media ang Pinoy seaman na si Robert Maguigad na kasama sa mga stranded sa isang barkong pangisda sa karagatang sakop ng Sri Lanka. Pero ngayon, hindi na siya nakontak ng kaniyang pamilya.
Ayon sa kaniyang kapatid, tubig-dagat na ang iniinom nina Robert at iba pa niyang kasamahan sa barko dahil wala na silang malinis na inuming tubig.
Nagkakasakit na rin daw sila at tatlo sa kanilang kasamahan ang namatay na.
"Umiinom na lang daw ng tubig-dagat 'yung kapatid ko. Nagkakasakit na sila. 'Yung ibang patay na kasama niya, nasa freezer na lang. Sa sobrang lungkot ng kuya ko, gusto na niyang tumalon daw ng barko at baka sakaling mapauwi na siya ng Pilipinas," sabi ng kaniyang kapatid.
Sa huling pag-uusap ni Robert at ng kanyang pamilya, tanging hiling lang niya ang makauwi na sa Pilipinas at muling makapiling ang pamilya.
Hanggang ngayon, hindi na muling nakakausap ng pamilya si Robert kaya labis silang nag-aalala sa kalagayan niya lalo pa't may idinadaing na siyang karamdaman.
Nasaan na kaya ang stranded na seaman? May umaksyon kaya sa kanilang panawagan? Tunghayan ang video ng "Reel Time."
--FRJ, GMA News