Mahigit 50,000 pang overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang target na maiuwi sa Pilipinas ng Department of Foreign Affairs (DFA) bago matapos ang Hulyo.
Sa ginanap na pandinig sa House Committee on Overseas Workers Affairs, umapela sa mga mambabatas si Foreign Affairs Undersecretary Sarah Arriola ng dagdag na pondo dahil sa tumataas na gastusin sa repatriation programs.
Ayon sa opisyal, ngayong Hulyo ay 21,171 OFWs na ang natulungan nilang makauwi, at target nilang mauwi pa bago matapos ang buwan ang 50,557 na OFWs.
Sa mahigit 21,000 na nakauwi na, 14,380 sa kanila ay galing sa Middle East. Habang ang nalalabi pang bilang ay galing sa Asia and the Pacific (2,934), Americas (2,359), Europe (1,478) at Africa (20).
Sinabi ni Arriola na magastos ang pagpapauwi dahil na rin sa paghihigpit ng mga bansa sa pagbiyahe dahil sa pandemic.
Ngayong buwan, sinabi ng opisyal na inindorso ng DFA ang mga repatriation flights sa Middle Eastern countries na kinabibilangan ng 53 flights mula sa United Arab Emirates, 21 flights sa Qatar at 42 flights sa Saudi Arabia.
“We have P232 million [na natitira], and that its enough until end of August. Our spending increased by 72.5%,” sabi ni Arriola.
“The problem with Qatar is the ticket is very expensive. For commercial flights, it should be Qatar Airways. Iyong mga kababayan po nating may dati ng ticket, hindi po mairebook kasi wala nga pong commercial flights," paliwanag niya.
Sinabi rin ni Arriola na may mga OFWs sa Uzbekistan na nais nang umuwi. Pero dahil walang honorary consul at embahada ng Pilipinas doon, ang embahada sa Tehran, Iran ang magsasagawa ng matinding repatriation effort para matulungan ang mga kababayan na nandoon.
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Philippine Ambassador to Saudi Arabia Adnan Alonto, na mahigit 10,000 OFWs sa Jeddah ang nais din makauwi na sa bansa.
“We have 10,151 OFWs in Jeddah needing assistance. They have exit visas, but they have no capacity to pay for their tickets,” ayon kay Alonto.
“This (number) includes those who are undocumented. They are facing dire situations,” patuloy ng opisyal.—FRJ, GMA News