Humihingi ng tulong na makauwi sa bansa ang 69-anyos na OFW na 27 taon na sa Kingdom of Saudi Arabia, dahil nawalan na siya ng hanap-buhay sanhi ng COVID-19
Sa ekslusibong panayam ng GMA News Online, sinabi ni Aling Minda na 27 taon na raw syang hindi nakauuwi ng Pilipinas simula nang magpunta sa Taif, isang probinsya sa Saudi Arabia upang magtrabaho bilang mananahi.
Hindi raw niya nagawang makauwi ng Pilipinas dahil sa nagsara ang shop na kanyang pinagtatrabahuhan at siya na raw ang nagtuloy ng patahian at nagbabayad na lang daw siya ng renta sa kanyang amo.
Apat na taong gulang pa lamang daw ang kanyang bunso at nasa high school ang kanyang mga anak na babae ng magpunta siya ng KSA.
"Nung ako po ay pumunta dito ang aking bunso ay 4 years old lang, at ngayon ay 32 na at yung panganay ay 42," pahayag ni Aling Minda.
Salaysay niya, "Dati ako ay may shop tapos itinuloy ko yun, sa amo ko yun kami ay nagsara ako na lang ang nagrenta dun sa shop at itinuloy ko na lang yun. Kung akoy uuwi, iniisip ko, i-exit ako ng amo ko. E ako'y nagpapa-aral noon kaya itinuloy ko na. Kinusap ko ang nanay ko at saka ang kapatid ko na kung aalagaan nila ang dalawa kong anak ay tuloy-tuloy akong magtatrabaho para makapag aral sila."
Malaking sakripisyo raw ang kanyang ginawa para maitaguyod ang mga anak. Pinag-aral din daw niya ang kanyang mga pamangkin.
Ngunit, dahil sa nag-lockdown ngayon a Saudi Arabia dulot na rin sa pagtaas ng bilang ng nahawaan ng COVID-19, nawalan daw siya ng trabaho at hindi niya nabayaran ng apat na buwan ang kanyang nirerentahang bahay. Kaya ikinandado ito ng may-ari at napilitan siyang umalis na ang tanging dala ay ang suot niya, at ngayon daw ay nanunuluyan siya sa bahay ng isang kaibigan.
Nais na daw niyang makauwi ng Pilipinas para makasama ang dalawang anak na nakikiusap sa kanyang umuwi na lamang.
Umaasa si Minda na makasama siay sa mga pinapauwi ng ating pamahalaan para makasama ang mga anak habang malakas pa raw siya.
"Nagsisisi naman po ako dahil sinusumbatan na ako ng anak kong bunso, yung panganay nakaka intindi pero yung bunso na hindi ko naalagaan talaga pong akoy tinalaban," pahayag ni Nanay Minda. —LBG, GMA News