Tinatayang nasa 70,000 Filipino ang apektado umano ng ipinatutupad na lockdown sa apat na rehiyon sa Italya bunga ng tumataas na kaso doon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay GMA News stringer Pia Abucay sa panayam ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sa Lombardi region pa lang ay mayroon na umanong 60,000 Pinoy.
Ipinatupad ang lockdown nitong Linggo upang mapigil ang pagkalat pa ng virus sa naturang bansa na may 60 milyong populasyon.
Umabot na kasi sa mahigit 6,000 katao sa Italy ang nagpositibo sa COVID-19. Sa naturang bilang, mahigit 600 ang gumaling na pero 366 ang nasawi.
Dahil sa lockdown, limitado ang kilos ng mga tao sa apat na rehiyon lalo na ang nasa tinatawag na nasa red zone. Maaari naman silang lumabas sa kanilang mga bahay para mamili ng kanilang kailangan at pumasok sa trabaho.
Marami umano sa mga recreational establishment sa labas ng red zone tulad ng mga sinehan, inuman at bingo houses ay sarado.
Tiniyak naman ng Philippine Embassy sa Rome at Consulate General sa Milan sa Filipino community sa Italy na sinusubaybayan nila ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sila sa mga kinauukulan.
Nauna nang inihayag ng ilang Pinoy sa Italy na apektado ang kanilang trabaho o kabuhayan dahil sa virus.
May mga Pinoy din na nakararanas ng diskriminasyon dahil napagkakamalan silang Tsino.— FRJ, GMA News