Kabilang ang sektor ng overseas Filipino workers sa mga nakikinabang sa paghina ng piso laban sa dolyar. Gayunman, ayon sa eksperto, may negatibo rin itong epekto para sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Sa ulat ni Jam Sisante-Cayco sa GMA News TV "Balitanghali," sinabi ng financial analyst na si Astro del Castillo, na ang paghina ng piso ay maaaring magresulta sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang bilihin.
"Dahil sa paghina [ng piso], posibleng tumaas pa rin ang presyo mo sa langis. 'Pag tumaas ang langis, dahil ito ang dugo ng ating ekonomiya, tataas naman most likely ang presyo ng mga bilihin," paliwanag ni Castillo.
Maaari rin umanong magbago ang singil sa ibang serbisyo na ginagamitan ng dolyar dahil pinapayagan ang mga kompanya na mag-adjust sa kanilang singil batay sa Foreign Currency Differential Adjustment mechanism.
"Kunwari ang kaniyang cost niya, interest nung bumili siya ng equipment, substation, nangutang sila sa ibang bansa, dolyar ang kanilang utang. Yung dolyar na yun, yung pagbayad nila ng interes, mas mataas ang babayaran nila," sabi naman naman ng ekonomistang si Prof. Vic Abola.
Katunayan dito, inanunsyo na ang nakaambang pagtataas ng Manila Water at Maynilad sa kanilang singil sa tubig na mararamdaman sa susunod na buwan.
Ang naturang pagtaas sa singil ay bunga umano ng FCDA na pinapayagan kapag nagkakaroon ng pagbabago sa halaga ng piso kontra sa halaga ng pera mula sa ibang bansa, partikular ang dolyar.
Paliwanag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System, dahil nasa halagang dolyar, yen at euro ang utang ng Manila Water at Maynilad, nagkakaroon ng adjustment sa kanilang pagbabayad kapag lumakas o humina ang piso.
Nitong Huwebes, naitala sa P53.27:$1 ang palitan, na pinakamaba sa nakalipas na 12 taon. -- FRJ, GMA News