Pansamantalang kinalimutan ng mga nagipit na overseas Filipino Workers sa Saudi Arabia ang kanilang mga problema matapos silang handugan ng kasiyahan sa pansamantala nilang tinutuluyan na bahay-kalinga.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing napuno ng kantahan at tawanan ang bahay-kalinga sa Jeddah dahil sa espesyal na party na inihandog sa kanila kasabay ng paggunita sa OFW Month.

May mga palaro rin at pa-contest sa sayawan at kantahan na pati na ang mga sintunado ay palaban.

Dahil panahon din ngayon ng bigayan, binigyan ng libreng damit ang mga OFW at sila mismo ang pumili.

Kaagad nilang isinuot ang mga ito at ibinida sa one-to-sawang picture taking sa kasiyahang inorganisa ng Ang Kaagapay ng Bawat OFW Advocacy Group at iba pang organisasyon bilang pakikiisa sa OFW Month.

Hindi nawala ang kainan na tila nasa piyesta dahil sa boodle fight na salu-salo.

Idineklarang OFW Month ang Disyembre bilang pagkilala sa mga tinaguriang "bagong bayani" dahil sa malaking kontribusyon nila sa pag-unlad ng bansa. -- FRJ, GMA News