Magkakasabay na nagsitumbahan ang ilang soccer player matapos silang tamaan ng kidlat sa open field ng stadium sa Huancayo, Peru. Ang isa sa kanila, patay.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood sa video na ilan sa mga manlalaro ang hindi agad nakakilos samantalang ang iba ay nakatayo at nakatakbo papalayo.
Base sa mga ulat, kasagsagan noon ng isang regional match sa pagitan ng Juventud Bellavista at Familia Chocca nang pansamantalang suspindehin ang laro nang magkaroon ng thunderstorm.
Papunta na sana sa dug out noon ang mga manlalaro ngunit habang papalakad sila palabas, doon na tumama ang kidlat.
Hindi bababa sa walong player ang tumumba at sa kasamaang palad, isa sa kanila ang nasawi.
Kinilala ang biktima na si Jose Hugo dela Cruz Meza, na siyang direktang nasapul ng kidlat.
Isa pang player ang nagtamo ng matinding paso sa katawan.
Nasa mataas na lugar ang Huancayo at may altitude na 10,659 feet above sea level.
Matapos ang insidente, umugong ang mga panawagan para sa proteksiyon ng mga manlalaro sa mga open-air event. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News