Posible nang makapag-“shot puno” gamit lamang ang isipan, matapos maimbento ang isang robot na kayang basahin ang isip ng mga tao para makapagsalin ito ng beer sa baso.

Sa ulat ng Next Now, sinabing sa tulong ng robot na tinatawag na “Homer,” makakapag-inuman na basta marunong lamang mag-concentrate ang isang tao.

Gumagamit ang Homer ng electroencephalogram (EEG) technology na kayang bumasa ng brain pattern.

Sa oras na ma-activate ang device, maaari nang kontrolin ng user ang tap kung saan lumalabas ang inumin, pati na ang pagka-anggulo ng baso.

Nabuo ang mind-controlled beer pump sa katuwaang eksperimento ng robotics expert at neuroscientist na si Seth Jackson.

“It reads your mind and measures your mental focus… If you’re good at it you pour the perfect pint. If you’re bad at it you make a big frothy mess all over my robot,” sabi ni Jackson.

Isinapubliko ni Jackson ang Homer isang taon matapos niya itong mabuo.

Umaasa siyang magbibigay-inspirasyon ito sa bagong henerasyon ng engineers. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News