Inilahad ni Jayson Gainza na isa sa mga sikreto niya sa halos dalawang dekada na niyang pagiging komedyante ang siguruhing mapasaya muna ang kaniyang pamilya, bago magpasaya ng ibang tao.

Sa podcast na "Updated with Nelson Canlas," tinanong ng host na si Nelson Canlas si Jayson tungkol sa kaniyang sikreto sa matagal na niyang pagpapatawa sa telebisyon.

"Hindi ko talaga alam kung ano ang pinakasikreto. Pero gusto ko talaga ‘yung ginagawa ko eh, mahal ko talaga eh, ‘yung pag-arte, magpasaya ng tao," sabi ni Jayson.

Gayunman, inuumpisahan muna ni Jayson na mapasaya ang kaniyang pamilya sa tuwing magkakasama sila o lumalabas.

"Doon ko muna sinisimulan sa pamilya ko, na mapatawa sila. Ang logic kasi diyan, kung hindi ko naman sila napapasaya tapos magpapasaya ako ng ibang tao, parang may mali. Kailangan mapasaya ko muna sila bago ko mapasaya ang ibang tao," anang Kapuso comedian.

Kaya sa kaniyang pamilya pa lang, nasusukat na ni Jayson kung epektibo ang kaniyang bibitawang jokes.

"Minsan lolokohin ko pa ‘yung anak ko, magjo-joke ako sa anak ko, tapos sasabihin ng anak ko ‘Luma na ‘yan papa,’ mag-iisip na naman ako ng bago, tapos mamaya dudugtungan ko ng ‘knock knock,’ tapos sasabihin niya ‘Sobrang corny’ tapos tatawa siya. Doon ko nasusukat."

Para kay Jayson mahalaga na nauuna ang kaniyang pamilya pagdating sa kaniyang pagpapasaya.

"Sabi ko sa sarili ko, ‘Dapat pala mapasaya mo muna ang pamilya mo bago mo pasayahin ang ibang tao. Kasi kung hindi ko kayang pasayahin ang pamilya ko, paano ko mapapasaya ‘yung ibang tao nang bukal sa puso ko?’ Kung sa kanila hindi ka nakakatawa, paano pa kaya sa iba? Paano ko sila mapapasaya kung pamilya ko nga, asawa ko hindi ko mapatawa, anak ko hindi ko magawang mapatawa?'"

Kapuso na rin si Jayson matapos pumirma ng kontrata sa Sparkle Nobyembre noong nakaraang taon.

https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/chikamuna/852274/bianca-manalo-jayson-gainza-kabilang-sa-mga-bagong-sparkle-artist-ng-gma/story/

Napapanood si Jayson sa "Happy ToGetHer" at Kapuso variety show na "TiktoClock." —LBG, GMA Integrated News