Inihayag ni Angel Guardian na morenong may dimples ang tipo niya sa isang lalaki. Pahiwatig kaya ito na may gusto siya sa kapwa niya "runner" sa Running Man Philippines na si Kokoy De Santos?
Sa "The Boobay and Tekla Show," nasubok ang pagkakakilala ni Kokoy kay Angel Guardian nang pahulaan sa aktor ang tipo ng lalaki ng dalaga.
Pinapili kay Kokoy ang chinitong may mahabang buhok, Amboy na may tattoo, o morenong may dimples. Hula ni Kokoy, Amboy na may tattoo ang tipo ni Angel.
"Feeling ko lang, sa pagkakakilala ko sa kaniya," paliwanag ni Kokoy.
"Diyan ka nagkakamali! Morenong may dimples," tugon ni Angel.
"Eh paano 'yon? 'Di ba si Kokoy 'yon?" pag-intriga ni Boobay.
"Hindi lang naman si Kokoy ang morenong may dimples," depensa naman ni Angel.
"Kahit nagkamali ako, feeling ko tama ako eh," sabi ni Kokoy.
Ayon kay Angel, may chance si Kokoy kapag nanligaw sa kaniya ang binata.
Pero paglilinaw niya, "Hindi, tingnan natin. Siyempre depende 'yon di ba."
Paliwanag ni Angel, dapat daw malaman niya muna kung gaano kagaling manligaw ang tao at maiparamdam sa kaniya na tapat ito sa kaniya.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News