Pagsapit ng dilim, ilang mga residente ang natatakot dahil sa mga pinsala sa hayop at pagkain na iniiwan ng mga misteryosong itim na nilalang, na nangangalampag pa ng mga bubungan sa Tagaytay at Cavite. Anu-ano kaya ang mga ito at bakit tila nakikitira sila sa mga tao?
Sa "Born to be Wild," ikinuwento ni Judith Distal, na nagdesisyon siyang maglagay ng CCTV matapos may pumatay sa mga alaga niyang pabo o turkey.
Sa CCTV, nakita ang isang nilalang na nakamasid at may malalaking mata, itim na katawan, mahaba ang buntot at kayang umakyat sa matataas na lugar.
Nakumpirma na isa itong civet cat o musang.
Sa Tagaytay City naman, kinikilabutan si Thricia Gonzales tuwing gabi dahil may kumakalabog sa kanilang bubungan.
Nag-iiwan din ito ng bakas dahil namataan ang mga uka sa mga saging na tila kinain.
Sa paglalagay ng CCTV ng team ng Born to be Wild, napag-alamang isa ring civet cat ang bumibisita sa bahay ni Gonzales, na naghahanap ng pagkain.
Isang maitim na hayop din ang gumagambala sa kisame nina Emely Costa mula pa noong nakaraang taon sa Indang, Cavite.
Nang makita nila ito sa kusina, para itong pusa na gumagapang sa pader, na hindi lang isa kundi dalawa pa.
Napag-alaman na isa pala itong southern giant slender-tailed cloud rat.
Bakit nga ba dumadayo ang mga nocturnal na civet cat at cloud rat sa mga kabahayan ng tao, at dapat ba silang katakutan? Alamin sa video. — VBL, GMA News