Kalaboso ang dalawang suspek sa kasong pagkidnap sa isang Malaysian na babae na kararating lamang sa Pilipinas.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules, sinabi ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) na dumating sa Pilipinas ang biktima noong September 9 lamang.

Dadag ng mga awtoridad, susunduin dapat ang biktima ng kanya umanong nobyo na nakilala niya sa isang dating app, pero iba raw ang sumundo sa kanya.

Dinala ang biktima sa Carmona, Cavite ng mga lalaking sumundo sa kanya, ayon sa mga pulis.

Nakapag-text ang biktima sa kanyang mga kaanak, na agad na nagsumbong sa mga pulis.

Natunton at nahuli ng mga awtoridad ang dalawang suspek na isang Malaysian at isang Pinoy, at nasagip ang biktima.

Dagdag ng mga pulis, may kasabwat pa umano ang mga suspek na isang Chinese, na pinaghahanap pa ng mga pulis. —LBG, GMA News