Ang pang-aabuso ay walang pinipiling kasarian, kaya may mga lalaki ring nakararanas ng pananakit mula sa kanilang asawa o partner. Pero dahil sa "machismo culture," nahihiya o takot silang magsumbong.
Ang ilan sa mga lalaking ito, isinalaysay ang kanilang mga karanasan.
Sa UB Specials ni James Agustin sa Unang Balita, inilahad ni Rom Factolerin na sariwa pa rin sa kaniyang alaala ang mga pang-aabusong naranasan sa dating asawa mahigit 20 taon na ang nakalilipas.
Ikinasal sina Rom at ang kaniyang dating asawa noong taong 1990.
Sa loob ng 12 taon nilang pagsasama, nag-aaway sila ng tatlo hanggang apat na beses kada buwan. Hanggang sa mapadalas ito at naging araw-araw na.
"Maliliit na bagay na bigla siyang nag-spark ng galit sa kaniya, may matinding rage. Merong pinaso ako ng sigarilyo sa hita. Kasi nagdidiskusyon kami, madilim 'yung bahay noon. Meron pang hinampas niya ako ng silya sa mukha na nabali 'yung nose bridge ko," kuwento ni Rom.
Naging sukdulan na ang pananakit umano sa kaniya ng kaniyang misis, at dumating sa punto na nasasaktan na rin ang dalawa nilang anak na babae.
Mas nadiskubre pa ni Rom ang pananakit umano ng kaniyang asawa nang magdesisyon siyang hiwalayan na ito.
"Kokonti lang 'yung mga nasaksihan ko talaga tulad ng pinakain ng *** 'yung anak ko, sinubuan ng coffee powder. Na pagdating ko galing ng trabaho nakita ko umaagos dito 'yung laway niya na may kape. Tapos isinubsob sa basurahan," ani Rom.
Dumulog sina Rom at ang kaniyang asawa sa psychologist at psychiatrist sa pag-asang maaayos ang lahat. Dito sumailalim ang kaniyang asawa sa mga session.
Itinago ni Rom ang mga naranasan niyang pang-aabuso ng ilang taon, at hindi niya rin ito naikuwento sa kaniyang mga magulang.
"May stigma sa lipunan natin na hindi ka dapat sinasaktan bilang lalaki, hindi ka dapat umiiyak bilang lalaki. Tsaka ano ang sasabihin ko? 'Sinasaktan po ako ng asawa kong babae.' Parang ang hirap aminin muna sa sarili mo na ganu'n nga ang nangyayari," sabi ni Rom.
Samantala, kahihiwalay lamang ni "Jason," hindi niya tunay na pangalan, sa kaniyang misis dalawang linggo ang nakalipas.
Karaniwang dahilan ng kanilang pag-aaway ang selos at pera.
"Nagsimula ito siguro noong nagkatrabaho siya, tapos nagkasakit ako, sunod-sunod po. Hindi po natatapos 'yung problema namin sa kakaaway po," sabi ni Jason. "Sinisigawan po ako sa harap ng magulang niya, nagdadabog po siya. Minsan kung anu-anong binabato sa akin."
Pero para sa tatlong taong gulang niya na anak na babae, tiniis ni Jason ang pang-aabuso umano ng kaniyang asawa.
"Siya (anak) 'yung inspirasyon ko kung bakit ako nabubuhay ngayon. Naaawa po ako sa anak ko. Ayoko pong lumaki siya na bu-bully-hin ng kaibigan, kaklase, kamag-anak na, 'Ikaw wala kang tatay,'" sabi ni Jason.
"'Pagka ho kasi ganiyan ang culture. Ang mga lalaki, lalo na 'yung medyo, because of the culture, nahihiyang lumantad. Nakakahiya kasi macho dapat ang dating nila eh, sila ang binubugbog. So how can you reconcile that?" sabi ni Emiliano Manahan Jr., isang anti-domestic violence advocate.
Ayon kay Manahan, napapanahon nang magkaroon ng batas na magbibigay ng proteksiyon sa mga kalalakihan na kontra sa pang-aabuso galing sa kanilang asawa o partner.
"Domestic violence knows no gender. In other words, pwedeng sa women, sa children, may batas na 'yan. Sa men, or sa partners, in cases of LGBTs. So dapat ang treatment should be equal," sabi ni Manahan.
Isusulong ni senator-elect Raffy Tulfo ang panukalang batas na pumuprotekta sa mga kalalakihan laban sa pang-aabuso pagpasok ng 19th Congress sa Hulyo.
"Marami na pong mga lalaki, mga victims of domestic violence, will probably muster courage to come out in the open, file cases because there is already a law that will protect them," ani Manahan. —VBL, GMA News