Maaari nang dumaan ang mga motorista sa bagong bukas na Binondo-Intramuros Bridge na pinasinayaan nitong Martes.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing may apat na lane ang Binondo-Intramuros Bridge, na kaya ang nasa 30,000 motorista na papasok at palabas ng Intramuros at Binondo kada araw.
May bike lanes at sidewalk din ang naturang tulay.
Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inagurasyon ng tulay, at pinasalamatan niya ang Tsina na naglaan ng pondo para sa proyekto.
Dumalo si Chinese Ambassador Huang Xilian sa seremonya.
"I also thank and with gratitude the People’s Republic of China for the confidence and for being a partner in enhancing key infrastructure projects in our country," ani Duterte.
"As my administration comes to a close, we remain committed to providing a comfortable life for every Filipino through various opportunities for growth and success."
Sinabi ni Huang na ito na ang ika-16 na nakumpletong proyekto ng gobyerno ng Pilipinas sa Tsina sa ilalim ng administrasyon ni Chinese President Xi Jinping. —Jamil Santos/VBL, GMA News