Hindi lang tumatakbo sa lupa, kundi kaya ring lumipad sa langit ang isang kotseng nagta-transform sa aircraft na naimbento sa Slovakia.

Sa Next Now ng GMA News, mapapanood sa video ng Klein Vision ang AirCar, na kayang tumakbo ng hanggang 160 kilometers per hour at kayang lumipad sa taas na 2,500 metro.

Aabutin lamang ng halos tatlong minuto para mag-transform ang AirCar mula sa kotse para maging isang aircraft.

Aerodynamic ang fuselage o katawan ng AirCar at may sapat itong espasyo para sa tatlo hanggang apat na katao.

Retractable o kayang maiurong ang buntot at pakpak ng AirCar kaya compact ang disenyo nito bilang kotse.

Sinabi ng Slovak Transport Authority na "certified airworthy" o ligtas paliparin ang AirCar, matapos itong pumasa sa 70 oras ng flight testing at mahigit 200 beses na takeoff at landing. —Jamil Santos/VBL, GMA News