Nasalpok ng tren ng Philippine National Railways (PNR) ang isang sasakyan sa Sta. Mesa, Maynila, pero walang naiulat na nasaktan sa insidente.
Sa ulat ni Chino Gaston sa "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay 630 dakong alas-dose ng gabi nitong Martes.
Nawasak ang harapang bahagi ng sasakyan na isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) nang mahagip ng tren.
Pahayag ng pasahero ng TNVS, huli na nang mapansin ng driver ang paparating na tren dahil hindi naman umano nakababa ang barrier, walang ilaw, walang audio warning, at walang tao sa outpost ng riles.
Sinubukan pang kontakin ang PNR sa oras ng pagbabalita pero wala pa itong sagot. —LBG, GMA News