Bilang pasasalamat, ido-donate ni Dennis Trillo ang bahagi ng kaniyang talent fee sa production at crew ng Kapuso series na "Truly, Madly, Deadly," na matagal na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing muling nakasama ni Dennis ang production crew sa kaniyang pagbabalik-trabaho.
"Sila talaga 'yung babad sa trabaho, sila 'yung pinakamaagang gumigising at bukod doon, sila pa rin 'yung pinaka-late na natutulog. Para sa akin na artista, sila na 'yung pinakamagaan na trabaho sa set eh," sabi ni Dennis.
"Para maibalik lang din 'yung gratitude tsaka appreciation sa lahat ng mga trabahong ginagawa nila," dagdag ng Kapuso Drama King sa gagawing pagtulong sa mga kapwa manggagawa sa series.
Balik-tambalan sina Dennis at nobyang si Jennylyn Mercado sa "Truly. Madly. Deadly," na episode ng "I Can See You" drama anthology. Kasama rin dito si Rhian Ramos.
"Very happy and very looking forward kami doon sa mga eksenang ginawa namin. Kasi kahit kami, nagugulat doon sa mga eksenang ginagawa namin dahil hindi 'yun 'yung mga nakasanayan namin na eksena na sweet-sweet lang. Ito, may makikita kayong iba dito sa kuwento na ito," sabi ni Dennis.
Para kay Dennis, maraming bagay pa rin ang dapat ipagpasalamat kahit nasa gitna ng pandemya ang mga Pinoy.
Masayang ipinagdiwang ni Dennis ang mga mahahalagang okasyon tulad ng kaniyang kaarawan, kaarawan ni Jennylyn at ng kanilang mga anak na sina Jazz at Calix.
"Siguro ito talaga 'yung panahon na nangyayari talaga 'yun kasi siyempre magkakasama kayo palagi, 'yung bond ninyo sa isa't isa mas tumitibay," anang aktor.
"Mas marami kayong chance na mag-spend ng oras sa isa't isa kaya kahit paano kahit malungkot itong mga panahon na ito, mina-maximize pa rin namin siya at lagi naming tinitingnan 'yung brighter side of things, brighter side of life," patuloy ni Dennis.--Jamil Santos/FRJ, GMA News