Sa pamamagitan ng inspirational video na pinamagatang "Balang Araw," nagpaabot ng mensahe sa publiko ang ilang Kapuso celebrities upang panatilihing buhay ang pag-asa sa gitna ng nararanasang krisis dulot ng COVID-19.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras, sinabing pinangunahan ito nina Alden Richards, Julie Anne San Jose, Gil Cuerva, Ken Chan, Rita Daniela at iba pang mga Kapuso na bida sa mga variety at musical shows ang inspirational video.
"Hindi lang po kami nakikita as 'yung artista po na umaarte kundi naging face din po kami of hope for a lot of people, and that means a lot," sabi ni Rita.
"One of the ways we can help other people is not just through donations but also maybe through sharing some inspirations," ayon naman kay Gil.
Pagtiyak ng Kapuso stars na makababalik din ang lahat sa normal, sa panahon na lahat ay masaya.
"Una kong gagawin, ako at 'yung buong pamilya ko, pupunta kami panigurado sa simbahan at sabay-sabay kaming magdadasal at hihingi ng pasasalamat sa Panginoon natin," sabi ni Ken.
"I guess when it's safe and we're all given the go signal, I would love to travel again," sabi ni Gil.
Kaya paalala pa ng mga Kapuso star, kapit lang.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News