Basahin ang Part 1: Pagkakaisa ng Malay World:  Ang Ambag ni Zeus Salazar sa Bayan

Part 2

Ngunit, hindi lamang ang pagpapakita ng kaisahan ng kulturang Pilipino sa Malay World o Dunia Melayu ang ambag ni Salazar sa bansa. Siya ay itinuturing na Ama ng maraming mga historyador ng bayan dahil sa pagiging guro at mentor nito at sa impluwensya ng kanyang mga kaisipan. Ang kanyang pinakamalaking kontribusyon sa Agham Panlipunan o pag-aaral ng lipunan sa Pilipinas ay (1) ang paggiit na ang kahulugan ng kasaysayan ay nagmumula sa “saysay” nito sa bayan at (2) ang paggigiit sa perspektibong Pilipino sa kasaysayan na naiintindihan ng mas maraming Pilipino, ang “Pantayong Pananaw.”

 

Si Zeus Salazar (panlima mula sa kanan) at ang ilan sa kanyang mga kapanalig na historyador.
Si Zeus Salazar (panlima mula sa kanan) at ang ilan sa kanyang mga kapanalig na historyador.

May mga akademiko na sa tuwing matututo ng mga dayuhang mga konsepto ay nahuhumaling na sa mga ito at nakakalimutan nang tingnan ang lipunan sa sariling perspektibo at mga konsepto. Mayroon ngang iba na hindi pa nga nakatutuntong sa ibang bansa, ang kanilang mga kaisipan ay naroon na, at may tendensiya na libakin o sabihing hindi tama ang kaisipan ng bayan.

Si Zeus Salazar ay isa sa mga akademiko na pinalad na makapag-aral ng post-graduate sa Pransiya. Nakipaghuntahan sa mga ekperto at ideyang Europeo. Subalit, sa dami ng bansang kanyang nalakbay, maaaring nahumaling na lamang siya sa timyas ng buhay sa ibang bansa ngunit sa maraming pagkakataon, may kung anong nanghihila kay ZAS pabalik sa bayan.

Pagbabalik sa Bayan ni Zeus Salazar

Nagbalik siya at nagturo sa Departamento ng Kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas. Naging isa sa mga pinuno ng Diliman Commune noong 1971 at isa sa mga unang ekspertong nagduda sa pagkatuklas ng rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos ng grupong “stone-age” diumano na Tasaday. Hindi nakapagtataka na kinulong siya nang ipataw ang Batas Militar sa Pilipinas noong 1972.

Noong 1987, naging Tagapangulo ng UP Departamento ng Kasaysayan at noong 1989, naging Dekano ng UP Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya. Kasama siya sa mga nagtatag ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, ADHIKA ng Pilipinas at ng Bagong Kasaysayan, Inc.

Ngunit maging sa larangan ng ideya, nagbalik sa bayan si Salazar, at makikita kito sa dalawa sa kanyang pinakamatingkad na kontribusyon sa Agham Panlipunan: (1) ang depinisyon ng kasaysayan, at (2) ang Pantayong Pananaw.

 

Si Zeus Salazar habang nagtuturo.
Si Zeus Salazar habang nagtuturo.

Kung ano ang Kasaysayan

Sa matagal na panahon, sinasabing “boring” ang pag-aaral ng nakaraan sa Pilipinas. Walang talab sa puso ng marami. Sa aking palagay ito ay sapagkat sa matagal na panahon, ang kanluraning pakahulugan sa “history” ang iginiit.

Ang “History” sa mga diskyunaryo ay hindi lamang “study of past events” kundi “chronological record of events.” Samakatuwid, ang mga nasusulat lamang ang mababalikan; “no documents, no history.” Sa Kanluraning mga lipunan, maaari ito sapagkat sila talaga ay mga writing societies subalit sa kaso ng Pilipinas, ang ating mga ninuno, bagama’t may sariling pagsusulat, ay mas nakatuon sa pagsasalaysay bilang paraan ng pagbibigay kahulugan sa nakaraan. Kung titingnan ito, wala tayong “history.”

Samakatuwid, ang mga nakasulat na dokumento ng nakaraan sa bansa natin ay naisulat ng (1) mga edukado at mayayaman (sila lamang ang natutong magsulat) at (2) mga kolonisador na sumulat tungkol sa atin nakaraan. Na may pananaw sa atin na mas mababang uri tayo ng mga nilalang. Na sila ay mga amo at tayo ay mga alipin.

Sa kasamaang palad, binasa natin ang mga batis o sources na ito at pinaniwalaan natin, kaya may mababa tayong pagtingin sa ating sarili, at tinitingnan natin ang mga magagandang bagay bilang impluwensya lamang o nanggagaling sa labas (halimbawa, ang pananampalataya sa Diyos ay nanggaling sa mga Espanyol, ang edukasyon at karunungan ay nanggaling lamang sa mga Amerikano). Ito ang nagbigay sa atin ng pagnanais na tumungo na lamang palabas dahil doon naman nanggagaling ang ginhawa at walang pag-asa dito sa sariling bayan.

Samakatuwid ang pinag-aaralan ukol sa nakaraan ay (1) ang kuwento ng mga mayayaman at makapangyarihan (nasaan ang mga magsasaka? Mga sundalo? Mga kabataan? Mga kababaihan?), at (2) ang kuwentong hindi natin maintindihan dahil malayo sa mga konsepto ng mga Pilipino ng kanilang lipunan at nakasulat sa isang dayuhang wika. Kaya naging boring ito sa marami.

Para kay Zeus Salazar, upang makawala dito, kailangang pag-aralan ang kasaysayan sa pananaw ng Pilipino, at kailangang magsimula sa pakahulugan sa pag-aaral ng nakaraan ay saswak sa ating sitwasyon. At ang katumbas na salita ng “History” sa pambansang wika na naiintindihan na ng marami sa bansa ay ang “Kasaysayan.”

Ayon kay Zeus, bagama’t magkatumbas, hindi magkasingkahulugan ang dalawang salitang ito. Kung ang “History” ay “written record,” ang salitang ugat naman ng “Kasaysayan” ay “saysay” na dalawa ang kahulugan: (1) isang salaysay o kwento, at (2) kahulugan, katuturan, kabuluhan at kahalagahan. Samakatuwid, ang “Kasaysayan” ay “mga salaysay na may saysay.”

Ngunit, kailangang tanungin ang pulitikal na tanong: Kung ito ay may saysay, may saysay para kanino? Siyempre para sa sinasalaysayang grupo. In short, para sa tao.
Kaya naman, sa matagal na panahon sa Unibersidad ng Pilipinas, ito ang itinuring depinisyon sa “Kasaysayan” ng maraming guro, “Mga salaysay na may saysay para sa sinasalaysayang grupo ng tao.”


Sa ganitong pakahulugan, mga kuwentong may kuwenta para isang bayan, hindi na nalilimita sa mga opisyal na dokumento ng makakapangyarihan lamang. Ang mga pasalitang tradisyon na tulad ng mga epiko, alamat, mito, kwentong bayan at maging at mga kanta at jokes, bagama’t kathang isip ay maaaring maging batis ng kaisipan at paniniwala ng mga tao na hindi nagsisulat ng mga dokumento, lalo na ang mga lolo at lolang ninuno natin.

Subalit, hindi basta-basta itinatapon ang kanluraning tradisyon ng “History” na may establisado nang metodo sa pagkritika ng mga batis upang malaman ang katotohanan ng nakaraan sa isang dokumento o kuwento. Ang tawag dito ay positibista—ang pagsasalysay batay sa ebidensya. Kung paano makukuha ang saysay at kaisipan ng tao kahit na sa isang kuwentong kumalat na kathang isip lamang at hindi naman nangyari. Sa pagkakasal ng depinisyong Pilipino ng “Kasaysayan” at ang metodolohiyang positibista ng “History” nabuo ni Zeus ang konseptong “Bagong Kasaysayan.”

Sa madaling salita, hindi lahat ng nasa nakaraan ay kailangang igiit, kundi iyon lamang “may saysay” sa bayan. Magagamit ng bayan upang maintindihan ang kanyang sitwasyon at sarili. Na magpapakita ng kaisipan at mga ugali ng bayan.

Pantayong Pananaw

Upang maisakatuparan ang pagnanais na bigyan ng saysay ang sariling kasaysayan, kailangan munang lutasin ang isang problema: Marami sa mga nakasulat ukol sa kasaysayan ng Pilipinas ay nasa wikang hindi naiintindihan ng karamihan.

Kaya mula pa noong 1970s, kinailangan niyang paunlarin ang isang iskuwelang pangkaisipan: isang ideya na tinatawag niyang “Pantayong Pananaw”—ang pag-aaral ng kasaysayan natin sa ating sariling perspektiba gamit ang mga konsepto (dalumat) at isang wikang naiintindihan ng lahat.

Lalong napaigting ang paniniwala niyang ito nang noong 1984, nilapitan siya noong siya ay nasa Alemanya ng kanyang estudyanteng si Nilo S. Ocampo sapagkat walang gustong maglimbag sa Pilipinas ng kanyang tesis na Katutubo, Muslim, Kristyano: Palawan, 1621-1901. Ang tangi nilang dahilan: ito ay nakasulat sa Wikang Filipino! Dapat raw ito ay nakasulat sa Ingles.

Kaya itinatag ni Salazar ang Bahay Saliksikan ng Kasaysayan at ang akda ni Ocampo ang una lamang sa marami nitong mga publikasyon na inilimbag sa wikang Filipino.

Ang “Pantayong Pananaw,” ay mula sa salitang “tayo.” Sa madaling salita, ito ay mga kwento at kasaysayan ng Pilipino, na isinasalaysay ng mga Pilipino, para sa mga Pilipino. Bagama’t pareho ang diwa, kaiba ito sa ginawa ng mga nationalist historians na katulad nina José Rizal, Teodoro Agoncillo at Renato Constantino sapagkat sumulat sila sa dayuhang wika. Para sa “Pantayong Pananaw” dapat ang pagkukuwento ay nasa wikang naiintindihan ng halos lahat ng Pilipino—at sa panahong ito, ito ay ang Wikang Filipino o Tagalog.

Ayon kay Salazar, noong unang panahon bago dumating ang mga Espanyol, Pantayong Pananaw ang umiiral sa pagkukuwento ng mga epiko at iba pang kwentong bayan ng bawat grupo ng tao sa Pilipinas. Pook ang tawag sa kultura na pinagsasaluhan ng isang grupo ng tao.

Ngunit sa pagdating na panahon, nagsulat ang mga Espanyol ng mga ulat ukol sa mga Pilipino na inuulat nila sa mga kapook na Espanyol na tinawag niyang “Pansilang Pananaw,” at nagsalaysay din sila sa mga indio na hindi nila kapook na tinawag niyang “Pangkayong Pananaw.” Pagdating nina Rizal at ng Propagandismo, ipinagtanggol nila ang mga Pilipino pero ang audience nila ay mga Espanyol sa wikang dayuhan kaya tinawag ni Salazar ito na “Pangkaming Pananaw.”

Ang diwa ng Pantayong Pananaw ang nais itatag nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto nang isilang nila ang bansa noong 1896, ngunit ngayon makikitang hindi pa ganap na nangyayari na nagkakaintindihan tayo. Dahil sa edukasyong Amerikano, maraming edukado ang nagsusulat sa Ingles at hindi nasasama sa talastasan nila ang mga mahihirap.

Hindi pa nagaganap ang talastasan ng buong bansa na dapat isinasagawa sa isang maunlad na Wikang Pambansa na may mga salita mula sa iba’t ibang wika nito tulad sa Japan at Thailand. Nagagamit nila ang impluwensya ng ibang bansa upang gamitin para sa kanilang sariling kapakanan, hindi katulad sa ating bansa na tayo ang tila napapakinabangan ng mga dayuhan at nababago pa nila ang ating kultura.
Hindi ba mas maganda at maunlad ang Pilipinas kung nagkakaintindihan muna tayo bago matibay na haharap sa mga hamon ng globalisasyon?

Ang Kinabukasan Para sa Pantayong Pananaw

May panahon na naging popular ang Pantayong Pananaw sa isang pangunahing pamantasan subalit marami rin ang nasaktan sa tila paggigiit na ang mga Inglesero ay walang pagmamahal sa bayan. Walang ganitong sinasabi ang Pantayong Pananaw; ang nais lamang ay igiit ang tanong: Para kanino ba ang ginagawa ko? Para kanino ba ang isinusulat ko? Ito ay kuwestiyon ay kung sino ba ang audience mo.

Dahil din sa makulay na personalidad ni Zeus, dumami ang kanyang mga kritiko at inusig ang maraming tagapanalig ng Pantayong Pananaw at tinanggalan pa ng trabaho dahil sa pulitika sa mga paaralan. Sa kabila nito, marami pa ang naakit kabilang na ako, na sa panahong sa dami ng aking napag-aralan at sabog ang aking pagsasaysay, ang Pantayong Pananaw ang nag-ayos, nagbigay ng direksyon.

Nang mapulitika ang mga tagapanalig ng Pantayong Pananaw, marami sa kanila ay kumalat sa iba pang mga pamantasan sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ngayon ay bahagi na ito ng pinag-aaralan sa senior high school at nasa curriculum na sa paaralan bilang isa sa mga nangahas na magkaroon ng Pilipinong pananaw sa Agham Panlipunan, kasama ang Sikolohiyang Pilipino ni Virgilio Enriquez at Pilipinolohiya ni Prospero Covar.

Ang Pantayong Pananaw ay mas malaki pa sa hiniraya ni Zeus A. Salazar sapagkat may sarili na itong buhay. Subalit hindi ito malilihis sa diwa ng sinimulang pamana ni Salazar: na upang maintindihan natin ang ating sarili sa kasalukuyan, kailangang pag-aralan ang ating nakaraan sa lente ng ating sariling kultura at pagkakaintindi rito.

***

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng History Department ng Pamantasang De La Salle Maynila at ang Public Relations Officer at kasapi ng Lupon ng Philippine Historical Association. Isa siyang historyador at naging consultant ng mga GMA News TV series na “Katipunan” at “Ilustrado.”