Labis ang pasasalamat ni Ashley Ortega na naging daan si "Kuya" sa pagsali niya bilang isa sa mga housemate sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition,” upang magkaroon siya muli ng komunikasyon sa kaniyang ina na tatlong taon na niyang hindi nakakausap dahil sa pagkakaroon nila ng hidwaan.
Sa kaniyang guesting sa GMA show na "Unang Hirit," sinabi ni Ashley na ilang araw pa lamang ang nakararaan mula nang matanggap niya ang liham ng ina kaya sariwa pa sa kaniya ang emosyon.
"Actually, that was just a couple of days ago. So, very fresh pa. Sobrang na-touch ako and hindi ko talaga in-expect na magkakaroon ako ng handwritten letter from my mom," masayang sabi ni Ashley.
"So, that was the first message I received from her after not talking to her for how many years. So, nabigla ako. Actually, after reading that message, naiyak ako. Siyempre, hindi ko napigilan 'yung sarili ko. 'Pag nasa confession room talaga ako, hindi ko alam marami palang nararamdaman," dagdag niya.
Inalala ni Ashley ang desisyon niya noon na umalis sa poder ng kaniyang ina, kaya tatlong taon na niya itong hindi nakakausap.
"It was hard for me to accept it na do I deserve a letter from my mom saying those words to me. Kasi parang, siyempre, I left her and haven't spoken to her," sabi ng aktres.
Pagkalabas ng bahay ni Kuya, sinabi ni Ashely na nagpadala siya ng bulaklak sa kaniyang ina. Nais daw muna niyang magkaroon ng sapat na oras bago niyang makipagkita sa kaniyang ina.
Wala umano ang kaniyang ina nang mag-iwan siya ng bulaklak sa labas ng bahay nito.
Pinasalamatan ni Ashley si Kuya dahil ginawa nitong posible ang kaniyang pakikipagkasundo sa ina.
"Bilib talaga ako kay Kuya. Si Kuya talaga na nagawa niya ng paraan. Or I don't know how he did it na magkaroon kami ng moment ng mom ko na kumbaga 'yung mag-reach out ako sa kaniya and I received a message from my mom," saad ni Ashley.
"That's something that I feel like nobody can ever do it for me," dagdag niya.
Nang panahon na nasa bahay siya ni Kuya, ikinuwento ni Ashley na tatlong taon na niyang hindi nakakausap ang kaniyang ina.
BASAHIN: Ashley, umaasang mapapatawad siya ng kaniyang ina: 'I know I caused you so much pain'
"Three years na kasi akong living alone rin... galit pa rin kasi siya sa akin. I haven't spoken to her in three years," sabi niya.
"Oo naman, alam ko naman 'yon. I was living ako lang mag-isa, tsaka si Mavy [Legaspi], jowa ko," sabi pa ni Ashley.
"Mag-isa lang ako. I'm a strong independent girl...Sana magbati na kami. Hinihintay ko lang naman siya," ayon pa sa kaniya. -- FRJ, GMA Integrated News