Dahil nagpapa-sexy sa kanilang mga project, inamin nina Robb Guinto at Yen Durano na madalas silang nakatatanggap ng indecent proposals. Paano kaya nila ito hinaharap?

“Marami. Marami sa mga pages namin [na indecent proposals], sa mga accounts namin. Pero nai-handle namin,” pagbabahagi ni Robb sa vodcast na “Your Honor.”

“Sa akin, kung paano ko i-handle ‘yun, hindi ko siya pinapansin. Kasi the more na pinapansin mo siya, mas lalo nilang aakalain na, ‘Ay, okay, game siya. Baka nagpapataas lang ito ng presyo.’ May mga ganu'ng thinking ‘yung mga ibang tao eh. Kaya ang ginagawa ko, hindi ko na lang pinapansin,”  kuwento niya.

Ayon kay Robb, ang pinakamalalang indecent proposal na natanggap niya ay may kasamang alok na house and lot.

Gayunman, tinanggihan niya raw ang natulong alok.

“Ang katwiran ko naman kasi sa sarili ko, bakit ako mapupunta sa ganu'ng sitwasyon kung kaya ko naman magtrabaho para sa sarili ko,” ani Robb.

Si Yen, hindi na pinapansin ang mga ito, dahil kaya niyang magtrabaho para sa sarili niyang pera.

“Maraming nagdi-DM. Pero ako, binabasa ko, minsan natatawa ako. ‘Oy tingnan mo ito, nakakatawa.’ Pero I don't engage in it. It's funny to me na lang kasi I'm not a very greedy person. Like I have my needs, I'm well provided for, my mom, I make my own money. I don't need the extra. ‘Yung mga ganu'n, I don't need the bags at the expense of my body,” sabi ni Yen.

Alam din niya ang kaniyang kahalagahan, at iba siya sa tunay na buhay sa kung ano siya sa trabaho.

“For me I know my worth. Separate 'yung work ko, sa buhay ko, sa kung sino ako. ‘Yun 'yung common misconception na okay lang sa amin 'yung ganu'n. Hindi po yun. Kaya tigil-tigilan niyo 'yung pag-DM sa amin,” sabi ni Yen.

“Naiirita ako sa inyo sa totoo lang. Kaya tigil-tigilan niyo ‘yan,” prangkang mensahe ni Yen sa mga nagpapadala ng DM sa kaniya.--FRJ, GMA Integrated News