Timbog ang isang 49-anyos na lalaki matapos gahasain umano ang kaniyang 13-anyos na pamangkin at mabuntis ito sa Binangonan, Rizal.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing dinakip ng Binangonan Police ang suspek sa Barangay Tandang Kutyo, Tanay, Rizal noong Linggo.

Enero noong nakaraang taon naganap ang panggagahasa umano sa menor de edad na biktima, ayon sa pulisya.

"Nangyari ito nu'ng bumisita itong suspek sa bahay ng biktima diyan sa Binangonan. Then for a while, nabuntis 'yung biktima and doon nag-file sila ng complaint against the suspect at noong nalaman ng suspect na nag-file ng complaint sa pulis ito ay nagtago," sabi ni Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal Provincial Police Office.

Inilabas ng Binangonan Regional Trial Court noong Disyembre 18 ang warrant of arrest laban sa akusadong si alyas "Fonso," na itinanggi ang paratang laban sa kaniya.

"Wala, may bahay po kami du'n. Wala, 'yun, nagpahinga lang, wala na po," sabi ni alyas "Fonso."

"This is the first time na nag-commit siya ng rape. But 'yun nga, dahil since kamag-anak at minor ay qualified rape 'yung kinasasangkutan niyang kaso at ang [desisyon] ng korte is no bail," sabi ni Maraggun.

Nakadetene ngayon ang suspek sa Binangonan Custodial Facility. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News