Nahuli-cam ang pagguho ng lupa kasama ang isang bahay sa Labo, Camarines Norte. Nangyari ang insidente dahil sa paglambot ng lupa sanhi ng walang tigil na pag-ulan. Nakaligtas kaya ang mga nakatira sa bahay? Alamin.

Nangyari ang pagguho ng lupa na kasama ang bahay nitong umaga ng Miyerkoles sa Sitio Cabungahan sa Barangay Cabatuhan.

Nakaligtas naman ang mga nakatira sa bahay dahil nakalikas sila bago pa man mangyari ang pagguho na dulot ng walang tigil na pag-ulan sa lugar.

Nadamay rin sa pagguho ang bahagi ng Maharlika highway, at nagkabitak-bitak ang kalsada kaya isinara muna sa motorista.

Ayon sa PAGASA, ang pag-ulan ay dulot ng shear line o pagtatagpo ng malamig na amihan at mainit na easterlies, na nakakaapekto sa ilang lugar sa Central Luzon, Calabarzon at Bicol region. — FRJ, GMA Integrated News