Hiniling ni Niño Muhlach na sana ay sa kaniya na lamang nangyari ang insidenteng kinasangkutan ng kaniyang anak na si Sandro noong mga nakaraang buwan.

Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, inilahad ni Niño kung paano niya hinaharap ang kontrobersiyang may kaugnayan sa kaniyang anak.

"Tito Boy, kasi hindi ko alam... Alam mo ba 'yung feeling ng may anak? Tapos nakikita mo na nagkukuwento sa 'yo kung ano 'yung nangyari sa kaniya, na hindi niya mahawakan 'yung telepono niya, nanginginig. Lagi niyang nabibitawan dahil nanginginig siya habang nagkukuwento tapos umiiyak siya?" sabi ni Niño.

"Napakasakit para sa tatay," pagpapatuloy ni Niño.

Ayon kay Niño, hindi niya na sana gusto pang lumaki at mapag-usapan ang isyu dahil gusto niyang protektahan si Sandro.

"I didn't it to turn out like that. Hindi ko ginusto na maging ganu'n."

Dagdag niya, hindi niya na rin gusto pang idamay pa ang GMA Network, kung saan nagtatrabaho ang mga akusadong sina Jojo Nones at Richard Cruz bilang mga independent contractor.

"Kaya hangga't maaari nga, gusto ko ng tahimik lang. Eh kaso pumutok," sabi ni Niño.

Ayon pa kay Niño, nakadagdag pa sa kaniyang pasakit bilang ama ang mga basher ng kanilang pamilya.

"Kasi ang dami talagang, hindi ko alam kung basher ba o, baka kamag-anak. Kesyo sinasabi mahina raw 'yung kaso."

That's why ako, tumahimik na lang ako, hindi na ako nagsalita after that. Hinintay ko na lang lumabas ang desisyon ng DOJ dahil tama naman noong lumabas ang desisyon ng DOJ, talagang matibay nga 'yung kaso and sila na mismo ang nagsabi," sabi pa niya.

Sinabi ni Niño na gusto niya sanang sa kaniya na lamang nangyari ang sinapit ni Sandro.

"Si Sandro kasi is very naive. Kumbaga kapag nagtiwala siya, buong buo. Kaya nga sabi ko, sana sa akin na lang nangyari. Sana wala pa silang reklamo."

Matatandaang naghain si Sandro ng reklamong rape sa pamamagitan ng sexual assault at acts of lasciviousness laban kina Cruz at Nones sa Department of Justice noong Agosto.

Kalaunan, sinampahan ng DOJ sina Nones at Cruz matapos nitong mapag-alamang prima facie ang ebidensiya na may makatuwirang katiyakan ng paghahatol upang mapapanagot ang dalawa sa krimen.

Iaapela ng kampo nina Nones at Cruz ang resolusyon ng DOJ. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News