Bukod kay Neri Naig-Miranda, may isa pa umanong artista ang dawit sa reklamong syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code, ayon sa abogado ng mga nagrereklamo na nawalan umano ng perang ipinasok na puhunan sa kompanya na inendorso ng mga ito.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Atty. Roberto Labe, kumakatawan sa 39 complainants, na may isa pang celebrity na hindi niya pinangalanan ang nag-endorso rin umano sa Dermacare-Beyond Skin Care Solutions.

"Kinasuhan po namin ma'am ay lahat ng board of directors nila doon sa Dermacare Corporation na 'yun plus lahat po ng mga endorser. Siguraduhin po sana natin na 'yung ine-endorse nating produkto or corporation or services ay legitimate po," sabi ni Labe.

Ayon kay Labe, naingganyo ang kaniyang mga kliyente na magpasok ng puhunan na halos P90 milyon sa Dermacare dahil kay Neri at iba pang endorsers.

"Kasama po siya sa mga kinasuhan namin as endorser gawa po ng isa po siya sa mga dahilan. Sabi nga po ng aking mga kliyente, kung bakit po sila ay lalong nagtiwala sa corporation na 'yun dahil alam po nilang matino naman po 'yung mga artistang endorser," paliwanag ng abogado.

Ayon sa ulat, October 2020 nang maging endorser at franchisee ng Dermacare si Neri.

Pero sa isang Facebook post noong September 1, 2023, inanunsyo ni Neri na hindi na siya konektado sa Dermacare. Nanawagan din siya na anumang transaksyon ng kompanya na gamit ang kaniyang pangalan ay hindi niya awtorisado.

Ayon kay Labe, taong 2023 nang nagsimulang magtalbugan ang mga tseke na ibinigay sa kaniyang mga kliyente matapos na maglabas ng abiso ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa kompanya.

Sa abisong inilabas ng SEC, sinabing hindi awtorisado ang Dermacare na mag-solicit ng investments dahil hindi ito nakarehistro at walang license to sell securities.

Ayon sa SEC, nakasaad sa franchise partner agreement ng Dermacare ang guaranteed return ng 12.6% sa ipinasok na puhunan sa bawat ng quarter sa loob ng limang taon, bukod pa sa discounts na makukuha sa serbisyo mula sa kanilang klinika.

"Nakita namin 'yung kanyang 'franchise' agreement... Ay hindi, sabi namin securities 'to. It is an investment contract, so we warned the public," pahayag ni SEC Director Filbert Catalino III.

Maaari umanong isama talaga sa habla ang mga endorser.

"'Yung nagbebenta mismo ng securities, 'yung salesman, 'yung broker, 'yung endorser, kailangan registered," paliwanag niya.

Nakadetine ngayon si Neri sa Pasay City Jail's female dormitory, habang nakabinbin ang kaso ng SEC laban sa Dermacare sa Department of Justice.

Naghain na ng motion to quash ang kampo ni Neri sa Pasay Regional Trial Court para ibasura ang kaso laban sa kaniya. Sa Enero 9, 2025 pa nakatakdang gawin arraignment sa kaniya na unang itinakda nitong nitong Huwebes pero hindi natuloy dahil sa naturang mosyon.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang Dermacare at si Neri.

Una rito, iginiit ng asawa ni Neri na si Chito Miranda na walang niloko ang kaniyang maybahay.

Iginiit ng singer na endorser lang si Neri at ginamit ng Dermacare ang mukha ng kaniyang asawa para makakuha ng investors. — FRJ, GMA Integrated News