Bahagi ng Sparkle family ng GMA Network ang The Blackman Family, na kinagigiliwan sa kanilang content sa social media.

Nitong Martes, pumirma ng kontrata sa Sparkle sa GMA Network ang social media personalities na pinangungunahan ng kanilang padre de pamilya na Australian na si Joshua, ang Pinay na haligi ng tahanan na si Jeraldine, at ang bibo nilang mga anak na sina Nimo at Jette.

Present sa contract signing sina GMA Network Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes at Sparkle First Vice President Joy Marcelo.

Ayon kay Gozon-Valdes, na fan din ng Blackman family, umaasa siyang makatutulong ang Kapuso network para lumawak pa ang maabot ng pamilya at patuloy na makapagbibigay ng good values sa mga tao.

“I hope that with GMA you can expand your audience in other platforms and we hope that you continue to inspire a lot of families with your good values. Welcome to GMA,” saad ng GMA executive.

Ikinuwento ni Jeraldine na nagsimula ang lahat sa kanilang pagiging Kapuso dahil sa isa nilang post na makikita si Jette na nagsabing, "GMA beke nemen."

"Magaling kasi siyang umiyak like on the spot. So nilagay ko 'yon sa social media. Tapos umiyak siya, tapos sabi ni Jette sa end ng video na 'GMA beke nemen,'" natutuwang sabi ni Jeraldine.

Nagpapasalamat naman si Joshua sa natatanggap nilang suporta at mga dumarating na oportunidad sa kanilang pamilya.

Naka-base sa Sydney, Australia ang Blackman Family, na kilala rin sa kanilang paboritong kanta na "You are my Sunshine." Mayroong silang 580,000 YouTube subscribers at mahigit 3 million followers sa Facebook, Instagram, at TikTok. — FRJ, GMA Integrated News