Naghain na ng kaniyang certificates of candidacy (COC) nitong Huwebes si Philip Salvador para kumandidatong senador sa Eleksyon 2025.
Kasabay ni Philip na naghain din ng COC ang kaniyang mga kapartido sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), sina re-electionist Senators Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher Lawrence "Bong" Go.
LOOK: Ilan sa mga celebrity at kilalang personalidad na sasabak sa Eleksyon 2025
Ayon kay Philip, mga panukalang batas tungkol sa peace and order ang tutukan niya kapag nanalong senador.
“Ang aking plataporma, nakatuon sa kapayapaan or peace and order. Palalakasin ko ang ating ahensya ng pagpapatupad ng batas upang matiyak ang kaligtasan ng publiko," ayon sa veteran action star.
"Katulad pagdadagdag ng budget paras sa modernisasyon ating kapulisan at kasundaluhan,” sabi pa ni Philip.
Kasama nina Philip sa paghahain ng COCs si Senador Robin Padilla, na presidente ng kanilang partido.
Bukod kay Robin, ang iba pang celebrity na nakaupo ngayon na senador ay sina Jinggoy Estrada, Lito Lapid at Bong Revilla.
Kapuwa re-electionist, o muling kakandidato sa naturang posisyon sina Lapid at Revilla.
Muli ring kakandidato bilang senador sa Eleksyon 2025 ang Pinoy boxing icon na si Manny Pacquiao.--mula sa ulat ni Celine Serquina/FRJ,GMA Integrated News