May bagong pasilip para sa inaabangang pelikula na balik-tambalan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo na "Hello, Love, Again."

Sa Instagram, naglabas ng bagong teaser ang Star Cinema sa pagkikita ng mga karakter nina Ethan (Alden) at  Joy (Kathryn) sa airport.

Kasama sa teaser ang pasilip din sa iba pang dating pelikula ng Star Cinema na may tema tungkol sa buhay ng Overseas Filipinos Workers (OFW).

"Soon, we will come home to the ones we love," saad sa caption ng post.

"We've barely said our hellos yet, but we can feel your overwhelming support already. Thank you so much," dagdag nito.

 

 

Ang "Hello, Love, Again" ay pagpapatuloy sa kuwento nina Ethan at Joy, ang dalawang OFW na unang nagkita sa Hong Kong, sapelikulang "Hello, Love, Goodbye."

Pagkaraan ng limang taon, masusundan ang kuwento ng kanilang pag-iibigan at sakripisyo sa buhay para sa pamilya sa Canada.

July nang magtungo sa Canada ang cast and crew ng "Hello, Love, Again," at natapos ang kanilang shooting doon nitong nakaraang buwan.

Nakatakdang ipalabas ang "Hello, Love, Again" sa mga sinehan sa November 13, na unang film collaboration ng GMA Pictures at Star Cinema. —FRJ, GMA Integrated News