Nasa Pilipinas ngayon para mag-shooting ang British action star na si Scott Adkins para sa international film na "Death March," na kinabibilangan ni Gabbi Garcia.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nasa Bataan si Scott at Gabbi kung saan ginagawa ang shooting ng pelikula tungkol sa prisoners of war sa isang kampo noong World War II.

Ayon kay Scott, ginagampanan niya ang role ng isang British soldier na dinukot at dadalhin sa war camp ng mga sundalong Hapon.

Pagtiyak ni Scott, puno ng aksyon at fight scenes ang pelikula.

Kilala si Scott sa mga pelikula niyang Undisputed bilang si Yuri Boyka. Nakasama rin siya sa ilang malalaking Hollywood movie gaya ng The Bourne Ultimatum, American Assassin, at John Wick: Chapter 4 bilang si Killa Harkan.

Samantala, ginagampanan naman ni Gabbi sa pelikula ang role bilang isang nurse sa war camp.

"Exciting kasi s'yempre makakaeksena ko si Scott dito sa mga fight scenes na 'to. Na-e-excite din akong makita siya in action," ayon kay Gabbi said.

Kuwento pa ng Sparkle star, mahusay makisama si Scott at matulungan sa mga eksena.

"Kahit hindi niya shot, kunyari shot ko lang, he still supports me in the scene. Talagang nag-e-effort siya and he's easy to talk to very easy to, have a conversation with," dagdag ni Gabbi.

Puring-puri naman ni Scott si Gabbi at maging ang mga katrabaho nito sa pelikula.

"She's a lovely girl, very nice, great actress. I'm enjoying it here in the Philippines. I'm having a good time working with all the crew, they're very hardworking," ayon sa dayuhang aktor.

Unang pagkakataon ni Scott na nakarating sa Pilipinas at isinama rin niya ang kaniyang pamilya.

"We have gone some places around the Subic Bay they've been having a good time, enjoying the food," ani Scott. "Thank you for looking after me and giving me a warm greeting here in the country."

Ang "Death March" ay co-produced ng Myriad Corporation ni Alden Richards. —FRJ, GMA Integrated News