Pumalag at kinompronta umano ni Mon Confiado ang isang content creator na gumawa ng "copypasta" na may kasamang kuwento na hindi totoo tungkol sa kaniya. Ang aktor, hindi inaalis ang posibilidad na gagawa siya ng legal na hakbang tungkol dito.
Sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, ibinahagi ni Mon ang post ng isang content creator na nagngangalang "Ileiad," na nagkuwento na nakasalubong daw nito ang aktor sa isang grocery store at humiling na magpa-picture.
Pero sa halip na paunlakan, nanduro-duro umano siya ni Mon at hindi binayaran ang mga kinuha niya sa grocery.
Pinalabas pa umano sa post na magnanakaw si Mon.
"Tama pa ba ang ginagawa ng mga content creator na ito? Gumawa ng story using my name & my photo… na meet daw nya ako sa grocery at magpapa picture daw sya pero dinuro duro ko daw sya sa mukha at nakita nya na hindi ko binayaran ang 15 Milky Way Choco Bars na kinuha ko… at pinagsisigawan ko daw ang cashier ng grocery. Pinapalabas pa nito na magnanakaw ako…" reklamo ni Mon sa post.
Sinabi ni Mon na pinadalhan niya ng mensahe sa pamamagitan ng chat ang naturang content creator.
Ipinaliwanag daw ng content creator na hindi nito intensyong dungisan ang kaniyang pangalan at idinahilan na "joke" lamang ang kuwento.
"Like what they said in the comments, it's a joke, although I do agree with you that not everyone will understand it," paliwanag umano ng content creator kay kay Mon.
Ayon kay Mon, naglagay na ito ng “disclaimer," ngunit "huli na," at hindi pa rin inalis ang post.
"Joke at my expense? Joke pero nakakasira ng tao? Bakit ka magjo joke sakin? Close ba tayo? Parang sobra na itong mga ito ah at para makakuha lang ng mga likes kahit makasagasa sila ng tao. Tapos sasabihin Joke," saad ni Mon, na pinabulaan ang kuwento sa post.
Nagpaalala si Mon sa content creator na gagawa siya ng legal na hakbang tungkol dito. Ngunit si Ileiad, nagkomento ng "Trace? Is this a threat?"
Ayon pa sa aktor, nakatanggap siya ng maraming mensahe na nagtatanong kung totoo ang post.
"Ang daming nag message sa akin at tinatanong kung totoo ba ito? Of course, Sabi ko hindi yan totoo. Never happened. At hindi ako ganung tao. At may pagka mayabang pa itong Ileiad na ito… nung sinabi ko idedemanda ko sya dahil ayaw pa nya tanggalin ang post nya. Threat daw ba ito? Grabe itong taong ito!" saad ni Mon.
Inalis na ni Ileiad ang kaniyang post tungkol kay Mon.
Sa kaniyang pagkomento tungkol sa sitwasyon, sinabi ni Ileiad na, "Man, I thought you're a cool guy."
"What do you mean I'm playing victim? You guys are cornballs," dagdag nito.
Inilarawan niyang naging "crazy" ang sitwasyon, at bago nag-post ng opisyal na paghingi ng tawad kay Mon.
"My deepest and sincerest apologies to critically-acclaimed actor Mon Confiado. As requested, I have taken down the vile and misleading post off the page and I will only be making copypastas about myself from now on," anang content creator.
"And as penance, I will be eating only Filipino-branded cornballs for lunch and perhaps even for dinner," dagdag nito.
Sa ngayon, wala na ang account o page ng naturang content creator.
—FRJ, GMA Integrated News