Nag-alok ang OPM band na Moonstar88 na handa sila magtanghal nang libre kapag ikinasal ang Olympic champ na si Carlos Yulo.

Idinaan ng Moonstar88 sa social media post ang kanilang alok kay Yulo na nakakuha ng dalawang medalyang ginto sa Paris Olympics.

"Sagot na namin ang tugtugan sa kasal mo, Caloy!. Free wedding performance for Carlos Yulo!," saad ng banda sa kanilang post sa Facebook.

“2 Golds!!! Dahil di ka nahihilo, nalilito sa routine mo,” ayon pa sa caption ng banda patungkol sa bahagi ng kanilang hit song na “Migraine.”

Kasalukuyang nobya ngayon ni Carlos si Chloe San Jose.


Kabilang pa sa mga awitin ng Moonstar88 ang “Torete,” "Sulat," “Panalangin,” at iba pa.

Matapos ang tagumpay ni Carlos na kauna-unang Pinoy na nagkamit ng dalawang gintong medalya sa Oympics, dinagsa na siya ng mga biyaya na alok ng iba't ibang grupo gaya ng libreng bahay, condo unit, cash reward at iba pa.

Isang heroes welcome ang inihahanda ng Lungsod ng Maynila sa kaniyang pag-uwi mula sa Paris. --FRJ, GMA Integrated News