Inilahad ni Barbie Forteza na masalimuot ang kuwento ng kaniyang karakter na si Adelina dela Cruz sa upcoming family drama series na "Pulang Araw," na isang bodaville star na naabot ang pangarap, ngunit nahinto noong sumiklab ang digmaan.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Biyernes, ipinakilala ni Barbie ang karakter niyang si Adelina dela Cruz, na kabilang sa isang blended family noong panahon ng giyera.
"Si Adelina dela Cruz ay half-sibling ni Teresita, played by Sanya Lopez and Eduardo, played by Alden Richards. Si Alden kapatid ko sa ina, si Sanya half sister ko sa tatay. Kami ni Teresita, ni Sanya, mamumulat kami sa mundo ng bodabil kasi 'yung tatay namin, sikat na bodaville star, hanggang sa maabot namin 'yung pangarap na 'yon," sabi ni Barbie.
"Kaso biglang dumating ang giyera sa bansa natin, at doon na magsisimula ang masalimuot na journey ng apat na magkakaibigan, sina Adelina, si Teresita, si Hiroshi at si Eduardo," dagdag ni Barbie.
Ayon kay Barbie, masalimuot ang ginagampanan niya sa serye, na nakatulong para makalabas siya sa kaniyang comfort zone bilang artista. Dagdag niya, ibang klaseng pag-level up ang kaniyang ginawa bilang si Adelina.
"'Yung character ko kasi, magmula bata siya sinarili niya lahat. Na noong dumating 'yung giyera doon siya talaga sumabog, na 'hindi na puwede ito, hindi na puwedeng inaapi tayo. Kasi ako magmula bata ako, inaapi na ako eh kasi mahirap kami,'" sabi ni Barbie tungkol sa kaniyang karakter.
"Masasabi ko rin na ito 'yung pinakamabigat, emotionally challenging for me kasi unlike 'yung previous projects ko, ito kasi, inspired by true events. Hango siya sa totoong kasaysayan natin," sabi ni Barbie.
Sinabi ni Barbie na mahalaga ang Pulang Araw hindi lang para sa kaniya bilang artista, kundi maganda ring makita ng mga manonood ang tunay na mensahe nito at importansya ng proyekto para sa mga Pilipino.
"Ito ay hango sa totoong kuwento ng mga Pilipino. To be grandparents... this is very personal to all of us Filipinos... Sa social issues natin ngayon, pakiramdam ko ito ang isang proyekto na makakapagpabalik ng pagmamahal natin sa Pilipinas at sa ating kapwa Pilipino," saad niya.
Masisimulan nang mapanood ang Pulang Araw sa Lunes, Hulyo 29.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News