Bakit nga ba single pa rin ngayon ang 90s teen star na si Biboy Ramirez? May inamin din siya tungkol sa nakaraan nila ni Alessandra de Rossi.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, tinanong si Biboy kung sinadya ba talaga na maging single pa rin.

“Hindi naman siya choice. Kagagaling ko lang sa isang relationship, parang a month or two months ago. So okay naman, gusto ko na, pero hindi lang talaga nagwo-workout,” paglalahad ni Biboy.

Kasama ni Biboy na guest sa naturang talk show ang kaniyang dating mga “Click” co-star na sina James Blanco at Maybelyn Dela Cruz.

Sa naturang panayam, inilahad din ni Buboy na naka-relasyon din niya ang kasama niya rin noon sa Click na si Alessandra de Rossi.

“Alam naman ng lahat, hindi naman ito naging secret, naging kami ni Alessandra de Rossi,” anang aktor.

Ngunit kaniyang pag-amin, “Kami na before pa magkaroon ng Click.”

Ang Click ay isang youth-oriented show na pinagbidahan din nina Richard Gutierrez, Angel Locsin, Jake Cuenca, Karen delos Reyes, JC de Vera, Iya Villania at Chynna Ortaleza. Umere noong 1999, ito ang pumalit sa 'T.G.I.S.'--FRJ, GMA Integrated News