Dati nang inihayag ni Boss Toyo na sobrang "idol" niya ang dating sexy actress na si Diana Zubiri. Kaya naman nang bumisita ang aktres sa kaniyang shop para magbenta ng memorabilia items, hindi niya iyon pinalampas.
Sa video ni Boss Tayo sa "Pinoy Pawnstars," sinabi ni Diana na napanood niya ang pagbisita ni Boss Toyo sa programang "Unang Hirit," at nagbigay ito ng presyo sa "Encantadia" costumes kung sakaling ipagbili.
Sa naturang episode ng Unang Hirit, sinabi ni Boss Toyo na sasagad siya sa P300,000 kung ibebenta ang costume ni Karylle bilang si Sanggre Alena sa Encatadia.
Samantalang ang costume ni Diana bilang si Sanggre Danaya na sobrang idol niya, bibilhin niya sa halagang P400,000 kung ang magdadala nito ay production staff.
Pero kapag si Diana mismo ang naghahatid na kaniyang "idol," handa raw siyang itaas ang presyo nito sa P500,000.
Ngunit sa pagbisita ni Diana sa shop ni Boss Toyo, hindi costume ni Danaya ang dala ng aktres kung hindi ang isang koleksyon ng apat na FHM magazines, kasama na ang kontrobersiyal na pictorial niya sa EDSA flyover.
"Actually, nung nag-shoot kami dito, ire-reveal natin, naka-bikini ako talaga. So nung nagalit kasi sila at nagkaroon ng issue, hindi ko daw puwedeng ilabas 'yung totoong suot ko, so in-edit nila," pagsisiwalat ni Diana.
Bitbit din ni Diana ang kopya ng "Burning Up!" album niya, na may single na "Catch Up!," kasama ang CD ng director's cut version ng pelikula niyang "Liberated 2."
Humingi muna ng opinyon mula sa eksperto si Boss Toyo bago siya nag-alok na bilhin ang gamit ni Diana sa halagang P5,000.
Sa huli, nagkasundo sina Boss Toyo at Diana sa presyong USD 400, o mahigit P23,000 para sa buong set na pinirmahan ni Diana.
Ayon kay Boss Toyo, mas mataas ang halaga kung original, at unedited version ng EDSA flyover photoshoot ang madadala ni Diana.
"I think worth it naman 'yung pagpunta natin dito kasi siyempre 'yung magazine na 'yon tinatago ko lang and gusto ko din siyempreng makasama sa mga memorable stuff ni Boss Toyo kaya OK na ako doon sa napagkasunduan namin na presyo and I think worth it nga," ayon kay Diana.
Plano ni Boss Toyo na magtayo ng museum kung saan ipakikita niya ang koleksyon na nabili niya mula sa mga Pinoy celebrity.
Kabilang sa mga nabili ni Boss Toyo ang tatlong polo na ginamit nina Francis Magalona, Chito Miranda at Gloc 9 sa music video na "Bagsakan," ang itinuturing niyang prized possession na nagkakahalaga ng P850,000.
Binili rin niya ang isang jersey ni Francis na nagkakahalaga ng P500,000.
Ang Gawad Urian trophy ni Jiro Manio ay nabili naman ni Boss Toyo sa halagang P75,000. Habang P500,000 naman ang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) trophy ni Niño Muhlach. —FRJ, GMA Integrated News