Ikinuwento ni Romnick Sarmenta na pinagsasabihan niya ang mga estudyante niyang fans kapag nalaman niyang hindi sila pumasok sa klase para makita at suportahan siya.
Sa Updated with Nelson Canlas podcast, sinabi ni Romnick na emosyon siya pagdating sa fans dahil na rin sa tindi ng kaniyang pasasalamat sa suporta ng mga ito sa kaniya.
"Minsan umaabot doon sa point na akala ng iba madrama ako kasi naiiyak ako sa harap ng ibang fans. Pero sinasabi ko kasi sa kanila, sobra ako nagpapasalamat," paliwanag ng aktor.
Pero sa kabila ng kaniyang pasasalamat, aminado si Romnick na pinagsasabihan niya ang mga estudyante niyang fans na unahin palagi ang pag-aaral at pumasok sa eskuwela kaysa maglaan ng oras para sa kaniya.
"Pinapagalitan ko sila 'pag pumupunta sila sa taping ko or sa shooting ko ng araw ng klase. Kasi ang dahilan ko palagi, 'pag nalaman ng magulang mo na ako'y sinusuportahan mo at nag-absent ka dahil sa akin, yari ako. Ano ang ginawa ko para gawin 'yun sa inyo, 'di ba?," ayon kay Romnick.
"So, unahin niyo 'yung importante. Kasi ako, pakiramdam ko, inuna ko 'yung importante rin para sa akin," pagpapatuloy ng aktor. "So, as much as I appreciate all the support, suportahan niyo ako sa ibang paraan, hindi sa ganito."
Sinabi ni Romnick na ayaw niya na balewalain ng fans niyang estudyante ang kanilang pag-aaral.
"Because I don't want to see them lose something valuable, especially when I'm no longer in that position. Paano 'pag nalaos ako tapos nawalan ka rin? Parang ang sakit naman nu'n? Mas okay na ako na naayos mo 'yung sa 'yo habang sinusuportahan mo ako para hindi masakit, mawala man...," aniya.
Kuwento ni Romnick, nakita rin niya ang pagpapahalaga ng kaniyang ina sa kaniyang kinabukasan, kaya nauunawaan niya ang sentimyento ng mga magulang pagdating sa kaniyang fans na kabataan.
"I was raised by my mom. And nakita ko naman kung papaano niya ibinuhos yung sarili niya. She did her best. As far as her understanding would take her, she did her best for me. Nagtatrabaho siya, hindi kami nagkikita sa bahay kasi ang trabaho niya, alis siya ng maaga, tulog pa ako. Uuwi siya, tulog na ako. I saw that kind of parent. And I figured I am so blessed and I am so lucky," pagbahagi niya.
"But I also remembered, you know, these kids, these people who support me, they have parents. And their parents have dreams for them. Their parents love them. Their parents want the best for them. So kung talagang gusto nila akong tawagin idol, ayaw ko kasi 'yung tinatawag akong idol eh. Palagi kong sinasabing, 'Nick lang, please,'" pagpapatuloy ni Romnick.
Payo ni Romnick sa fans, unahin nila ang mga bagay na mahahalaga para sa kanila.
"So, 'yung oras para sa pag-aaral mo, 'yung oras para sa pagkatrabaho mo, 'yung oras para sa pamilya mo, ibigay mo sa kanila. Kasi may oras ako. 'Pag manonood ka ng pelikula [ko], oras ko 'yun, salamat," patuloy niya.
Bukod sa pagiging artista, nagtuturo si Romnick sa Trinity University of Asia, kung saan naimbitahan siyang maging lecturer noon sa Media and Communication Department ng College of Arts, Sciences and Education.--FRJ, GMA Integrated News