Sa pagpasok ng kaniyang karakter bilang si "Mitena" sa “Encantadia Chronicles: Sang'gre,” inihayag ni Rhian Ramos na sasapitin ng Encantadia ang “worst era” nito.

“The world of Encantadia will go through its worst era ever,” sabi ni Rhian sa Kapuso Showbiz News nang ipahayag ang tungkol sa kaniyang karakter.

“I will destroy their spirit and ruin their lives,” dagdag niya, na inayunan ni Faith da Silva, na sadya raw nakakagigil si Mitena.

Sinabi ni Bianca Umali na gaganap bilang si "Terra," na bagong tagapangalaga ng brilyante ng lupa, na dedicated siya sa kaniyang karakter bilang anak ni Danaya.

“Hindi ako makapaghintay na makita ng mga tao ‘yung pagmamahal na binubuhos ko sa kaniya at kung paano ko kino-commit ‘yung sarili ko sa pagganap ni Ms. Diana Zubiri at Ms. Sanya Lopez kay Danaya. Hinding hindi ko ‘yun kakalimutan at talagang gusto kong makita na anak ni Danaya si Terra,” sabi ni Bianca.

Sinabi naman ni Angel Guardian, gaganap bilang si Deia na bagong tagapangalaga ng brilyante ng hangin, na “ibang iba” ang “Encantadia Chronicles: Sang'gre” sa mga nakaraang series ng Encantadia.

Inihayag naman ni Faith, gaganap bilang si Flamarra, na bagong tagapangalaga ng brilyante ng apoy, ang papuri sa direktor na si Mark Reyes, na naghanda ng de kalidad na effects para sa bersyon ng kuwento ng Encantadia.-- FRJ, GMA Integrated News